TEACHERS SUKO NA SA DAMI NG TRABAHO — TDC
KINUMPIRMA ng Teachers Dignity Coalition na ilang guro na rin ang sumuko dahil sa bigat ng workload na ibinibigay sa kanila bukod sa pagtuturo.
Sa pagdinig ng Senado hinggil sa epekto ng Covid19 sa pag-aaral, sinabi ni TDC Chairman Benjo Basas na batay sa pakikipag-usap nila sa ilang principal, lumitaw na ilang guro na ang nagpahayag ng pagnanais na mag-avail ng early retirement.
“Kahapon lang may kausap tayo na principal na may mga teachers na gusto nilang magretiro na, ‘yung iba nagretiro na. Sa isang paaralan sa General T. de Leon sa Valenzuela City, hindi bababa sa lima ang nag-file na ng resignation, retirement dahil nasa retirement age sila dahil sa heavy workload,” pahayag ni Basas.
Partikular na tinukoy ni Basas ang clerical works na ibinibigay sa mga guro na dapat ay hindi na sakop ng kanilang trabaho.
“Mapapansin natin ang mga teacher nagsasabi sa Facebook na ‘pangarap ko maging teacher, nung teacher na ako ‘di pala teacher ang trabaho ko, marami ang clerical,” dagdag ni Basas.
Sa pag-aanalisa ni Basas, nangangahulugan ito na hindi naihanda ang mindset, puso at damdamin ng mga guro sa sangkaterbang trabaho bukod sa pagtuturo.
Bukod dito, inungkat din ni Basas na hanggang ngayon ay hindi pa rin maibigay ang mga pangangailangan ng mga guro para sa distance learning tulad ng internet access at gadgets.
Iginiit ni Basas na hanggang ngayo, maging ang P300 na internet allowance mula noong Marso hanggang December 2020 na dapat i-reimburse sa mga guro ay hindi pa rin naibibigay.
Idinagdag pa ni Basas na isa pa sa idinadaing ng mga guro ay ang hindi pagsunod sa sinasabing alternative work arrangement dahil may mga guro na inoobligang mag-report physically sa kanilang mga paaralan.
“Maraming division schools at may division na mismong ang superintendent ang nagsabi, ‘dapat andiyan kayo sa eskwelahan kahit ginagawa ninyo ang inyong mga trabaho’,” diin ni Basas.
Inirekomenda ni Basas sa Department of Education na maging bukas sa mga kritisismo at dayalogo sa mga guro para sa mas epektibo at dekalidad na edukasyon.