Nation

TEACHERS SA DEPED: PAGPAHINGAHIN NINYO NAMAN KAMI!

/ 11 March 2021

UMAPELA ang isang grupo ng mga guro sa Department of Education na ipatigil ang virtual training na panonoorin sa YouTube.

Pakiusap nila, pagpahingahin naman sila.

Mariing tinutulan ng Teachers’ Dignity Coalition ang balak na pagsasagawa ng in-service training ng kagawaran sa pamamagitan ng maghapong panonood lang sa YouTube sa loob ng isang linggo mula Marso 15 hanggang Marso 19.

“Hindi na nga magkandaugaga sa napakaraming trabaho ang mga guro ay ayaw pa rin kaming tigilan ng DepEd. Kung ang kalabaw at makina ay kailangang magpahinga, lalo pa ang mga guro dahil tao kami,” sabi ni Emmalyn Policarpio, guro sa Valenzuela City at secretart general ng TDC.

Dagdag pa ni Policarpio, tila hindi nauunawaan ng pamunuan ng DepEd ang kalagayan ng mga guro na hindi pa nga nakatatapos sa mga gawain ay dinagdagan na naman.

Matatandaang nagkaroon ng adjustment sa school calendar ang DepEd sa pamamagitan ng isang kautusan ni Education Secretary Leonor Briones noong Marso 2 na nagsasabing magkakaroon ng karagdagang dalawang linggong remediation at intervention activities ang mga guro mula Marso 1 hanggang Marso 12 at sa Marso 15 hanggang Marso 19 naman ay isasagawa ang school-based in-service training o INSET.

“Nagulat na lamang kami na biglang may lumabas na memo na nagsasbaing ang INSET sa March 15-19 ay magmumula sa DepEd Central Office at kami ay obligadong manood sa YouTube maghapon sa loob ng limang araw. Ito ba ay mas produktibo kaysa sa iba naming gawain gaya ng pag-check sa modules, paggawa ng grades ng mga bata at mga reports na kailangang isumite?” tanong ni Policarpio.

“Dito pa lamang sa mga ito ay wala nang pahinga ang mga guro dadagdagan pa nila,” dagdag pa niya.

Ayon sa DepEd, pinalawig ng halos isang buwan ang school calendar upang maisaayos ang learning gaps at mabigyan din ng pahinga ang mga batang mag-aaral. Ang sagot naman sa TDC ay dapat ding bigyan ng pahinga ang mga guro.

Sinegundahan naman ito ni Juanito Dona, Jr., secretary general ng Ating Guro Partylist.

“Mawawalan ng saysay ang training na ito ukol sa online teaching sapagkat mas marami sa mga mag-aaral sa public school ay modular distance learning ang napiling modality. Sakali mang kailangan ang ganitong training, maaari naman itong gawin sa hinaharap, hindi ngayong panahon na ito,” sabi ni Dona.

Nababahala rin umano ang AGP sa sitwasyon ngayon ng mga guro na tila ba wala nang patid sa paggampan sa kanilang trabaho na maaaring naisasakripisyo na ang kanilang kalusugan.

“Ang santambak na clerical tasks, online meetings, webinars at pisikal na mga trabaho ay maaaring makasama sa kalusugan ng ating mga guro. Idagdag pa ang stress na dulot ng pandemya, baka kailangan muna nating tiyakin ang kalusugan ng mga guro — physically, psychologically at mentally,” dagdag pa ni Dona.

Ayon pa rin sa dalawang grupo, hindi man lang kinonsulta ang mga guro hinggil sa planong ito ng DepEd o tinanong man lang nila ang opinyon o damdamin ng mga karaniwang guro na araw-araw humaharap sa mga pagsubok magampanan lamang ang kanilang tungkulin.

“Sana naman po ay pakinggan ng ating Kalihim Liling Briones ang aming hinaing at agad na niyang ipatigil ang INSET na ito at hayaan na lamang magpasiya ang mga paaralan at indibidwal na mga guro sa kung paanong paraan nila magagawa ang kanilang mga trabaho. At kung maaari sana ay ideklara na lamang na pahinga ng mga guro ang isang linggong ito,” dagdag ni Policarpio.

Bagaman hinihingi ng mga guro ang isang linggong break, hindi rin, anila, ito masasabing pahinga sapagkat kailangan pa rin nilang tapusin ang mga gawain matapos ang second quarter.

Samantala, pormal nang umapela sa DepEd ang TDC hinggil sa bagay na ito.

Sa sulat ni TDC National Chairperson Benjo Basas kay Secretary Briones, sinabi niya na,

“We therefore appeal to your office to withdraw the said memorandum which forces our 900,000 teachers to participate in a virtual INSET via YouTube, cancel this plan for now and give teachers time to breathe, a little at least, while doing other paperwork. And while contemplating the details of the next INSET, perhaps the department could give better efforts at providing for internet expense of teachers. Internet connection exceeds P1,000 a month yet the miniscule P300 monthly communication expenses reimbursement promised under DepEd Order No. 38, s. 2020 have yet to be realized in many schools,” ayon kay Basas.