Nation

TEACHERS’ PROTECTION BILL VS BULLYING HINIHIMAY NA SA KONGRESO

PINAG-AARALAN na ng House Committee on Basic Education and Arts ang mga panukala para sa pagbibigay proteksyon sa mga guro laban sa pambu-bully.

/ 30 November 2020

PINAG-AARALAN na ng House Committee on Basic Education and Arts ang mga panukala para sa pagbibigay proteksyon sa mga guro laban sa pambu-bully.

Sa pagdinig ng komite na pinamumunuan ni Pasig City Rep. Roman Romulo, binuo ang isang technical working group para pag-aralan ang limang panukala laban sa pambu-bully sa mga guro na nagpapatupad lamang ng mga hakbang para sa pagdisiplina sa mga estudyante.

Ang mga panukala ay isinulong nina Camarines Sur Rep. Jocelyn Fortuno, Ang Waray Partylist Rep. Florencio Noel, ACT Teachers Partylist Rep. France Castro at Parañaque City Rep. Eric Olivarez.

Ayon kay Fortuno, kadalasang ipinanakot sa mga guro ang Republic Act 7610 o ang Anti-Child Abuse Law kapag nagbibigay ng disciplinary measure sa mga estudyante.

Sinabi ni Fortuno na kailangang magkaroon  ng malinaw na polisiya para maprotektahan din ang mga guro sa gitna ng ipinatutupad na regulasyon para sa pagdisiplina sa mga estudyante.

“The crystal clear objective is to assist teachers in disciplining their students without violating child protection laws,” diin ni Fortuno.

Iginiit naman ni Castro na bagama’t mahalaga ang pangangalaga sa mga estudyante, kailangan ding mabigyan ng sapat na proteksyon ang mga guro.

Alinsunod sa mga panukala, bibigyan ng legal assistance ang mga guro at iba pang school personnel na mahaharap sa kaso sa pagdisiplina sa mga estudyante sa gitna ng pamamahala sa silid-aralan.

Nakasaad din sa mga panukala ang mandato ng Department of Education na magpalabas ng disciplinary rules and procedures na ipatutupad sa mga klasrum.

Suportado naman ng DepEd ang mga panukala, partikular ang probisyon na para sa confidentiality ng mga nakabimbing kaso laban sa mga guro.

Matatandaang isang guro ang naging viral nang ireklamo ng lola ng kanyang estudyante sa programa ni Raffy Tulfo ang pagpapalabas sa klasrum sa apo nito dahil sa hindi pagsasauli ng report card sa tamang oras.

Napilitang mag-resign ang guro nang naging viral ang video at ma-pressure ito sa panawagan ng mamamahayag na magbitiw siya sa tungkulin.