Nation

TEACHERS ISAMA SA UNANG TUTURUKAN NG COVID-19 VACCINE — LAWMAKER

/ 7 February 2021

IGINIIT ni Senadora Imee Marcos na dapat bigyang prayoridad ng gobyerno ang pagbubukas ng mga paaralan sa gitna ng unti-unting pagluwag ng protocols at pagsisimula ng pagbabakuna laban sa Covid19.

Iminungkahi ni Marcos sa Inter-Agency Task Force na itaas sa priority list ng mga bibigyan ng bakuna ang mga guro.

“Pinagtatakhan ko bakit ang mga teachers hindi sila kasali parang number ewan sila. Kasama sila pero mababa sila sa listahan,” pahayag ni Marcos.

“Dapat itaas-taas sila ng kaunti kasi dapat priority ng gobyerno buksan ang eskuwelahan para ma-liberate ang mga magulang,” diin pa ng senadora.

Ipinaliwanag niya na dapat na ring mabigyang laya ang mga magulang mula sa pagtutok sa pag-aaral ng kanilang mga anak sa ilalim ng blended learning system dahil kailangan din ng mga ito na magtrabaho.

Binigyang-diin ng senadora na hirap na hirap na ang mga magulang sa paghahanapbuhay upang may pangsuporta sa kanilang pamilya ngayong pandemya at nakadagdag pa sa kanilang trabaho ang pagtuturo sa mga anak.