Nation

TEACHERS’ GROUP DUDA SA BILANG NG MGA GURO NA NAHAWAAN NG COVID19

/ 27 August 2020

PINAGDUDAHAN ng grupo ng mga guro ang ibinigay ng Department of Education na bilang ng nahawaan ng Covid19 sa kanilang hanay.

Sa isang round table discussion, sinabi ni Teachers’ Dignity Coalition President Benjo Basas na hindi kapani-paniwala ang bilang na 14 na iniulat ng DedEd dahil sa tatlong division pa lamang ay mayroon na aniyang 11 kaso ng Covid19 sa mga guro.

“Ako po personally, mayroon akong 11 na alam na kaso na hawaan na nangyari po sa eskuwelahan, so short ako ng tatlo doon sa official but of course ‘yung 11 na ito ay sa tatlong divisions lamang po o apat na division,” sabi ni Basas.

Dagdag pa niya, hindi naman kailangan ang buong detalye ng mga gurong nagpositibo sa Covid19, nais lang malaman ng grupo kung ilan sa bawat division ang naapektuhan.

Sa isang press briefing noong Lunes, sinabi ng DepEd na may  14 na mga guro ang nahawaan sa buong division sa Filipinas na ‘work-related’.

Tinatayang nasa 823 na ang mga guro, estudyante at school personnel na nahawaan ng Covid19 mula Hunyo hanggang Agosto 23.

Samantala, nagkaisa sina Basas at Alliance of Concerned Teachers Secretary General Raymond Basilio na kailangang magkaroon ng pagpupulong ang kanilang mga grupo at ang DepEd upang maresolba ang mga isyu na kinakaharap ng mga guro at hindi na ito ipadaan pa sa media.

“Marami na po kaming sulat tungkol sa paghingi namin, kumakatok sa pintuan ng DepEd para magkaroon ng diyalogo, mapag-usapan na once and for all ‘yung mga issue,” wika ni Basas.

Gayunman, sinabi niya na kahit papaano naman ay tumutugon ang DepEd sa kanilang mga hinaing.