TEACHER EDUCATION KAILANGAN PARA SA PAGTUTURO NG FILIPINO AT INGLES — KWF
UPANG maging epektibo ang pagtuturo ng wikang Ingles at Filipino, dapat magkaroon ng programang pangkasanayan sa mga guro sa salitang Filipino at Ingles.
Ito ang sentro ng press conference na isinagawa ng Komisyon sa Wikang Filipino para sa Buwan ng Wika 2022 sa gusali ng Philippine Information Agency sa Quezon City nitong Hulyo 29.
Ayon kay KWF Tagapangulong Arthur P. Casanova, panahon na para magkaroon ng kurso sa mga guro para sa wikang Filipino at Ingles, at walang problema sa paggamit ng nasabing mga wika, ang problema ay ang kakayahan kaya dapat magkaroon ng teacher education.
“Dapat magkaroon ng magandang teacher education, gayundin ng kurso na ang presentasyon ay pagtuturo ng wikang Filipino at Ingles, at walang problema sa nasabing mga wika, dahil ang wikang Ingles ay hindi dapat maging sagabal sa kasanayan gamit ang wikang Filipino, sa ganang akin, sabay na uunlad ang paggamit ng wikang Filipino at Ingles, Pilipino, dahil tayo ay mga Pilipino,” ayon kay Casanova.
Aniya, mauunawaan nang labis ng mga mag-aaral kung tama ang kaalaman ng mga guro sa dalawang naturang wika.
Dagdag pa ni Casanova, walang problema kung Filipino o Ingles ang gagamiting wika, ang mahalaga ay kung tama ang paggamit nito.
Ang pahayag ay ginawa ni Casanova sa harap ng mga rekomendasyon na isalin na rin sa salitang Filipino ang pag-aaral sa abogasya, inhinyero at medisina para maunawaan ito ng mag-aaral at yumaman ang wikang Filipino.