Nation

TEACHER EDUCATION COUNCIL PALALAKASIN

/ 20 October 2020

SA LAYUNING maiangat pa ang kalidad ng pagtuturo ng mga guro sa bansa, isinusulong ni Senador Sherwin Gatchalian ang panukalara para sa pagpapalakas ng mandato ng Teacher Education Council.

Sa paghahain ng Senate Bill 1887 o ang proposed Teacher Education Council Act, ipinaalala ni Gatchalian na mandato ng estado na tiyakin ang dekalidad na edukasyon sa lahat ng level at dapat napapalawak ang kaalaman ng mga guro.

Sinabi ni Gatchalian na batay na rin sa pag-aaral ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization, nakasalalay sa mga guro ang kalidad ng edukasyon at ang kalalabasan ng pag-aaral ng mga estudyante.

“Therefore, to ensure quality education, focus on the continuous professional development of teachers is indispensable,” pahayag ni Gatchalian sa kanyang explanatory note.

Binigyang-diin ng senador na malinaw ang mga indikasyon na kailangan pang pag-ibayuhin ang professional development ng mga guro kasunod na rin ng mababang bilang ng mga pumapasa sa licensure examinations for teachers; mababang score ng pre-service teachers sa assessment ng kanilang mga kaalaman sa mga core subjects at nakadidismayang performance ng Filipinas sa Programme for International Student Assessment examination noong 2018.

Alinsunod sa panukala, magpapatupad ng mga reporma sa teacher education sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Republic Act 7784 o ang An Act to Strengthen Teacher Education in the Philippines by establishing Centers of Excellence, creating a Teacher Education Council for the purpose.

Palalakasin din ang TEC sa pamamagitan ng pagtatalaga ng mga pinuno ng Technical Education and Skills Development Authority, National Economic and Development Authority, at Philippine Normal University bilang ex officio members.

Bubuo rin ng Quality Teaching Office, Quality School Leadership Office, Quality Pre-Service Teacher Education Office, Research and Training Office at Finance and Administration Office bukod pa sa Quality Teaching and School Leadership Committee at Pre-Service Education Committee.

Sa pamamagitan nito, matitiyak na magiging magkatugma ang pre-service at in-service education at magkakaroon ng professional standards for teachers and school leaders.