Nation

TDC SUPORTADO ANG PANUKALANG DAGDAG NA TEACHING AID ALLOWANCE

/ 31 May 2023

SINUSUPORTAHAN ng Teachers Dignity Coalition ang panukalang pagdaragdag ng teaching aid allowance para sa mga guro sa pampublikong paaralan na ipinasa ng Senado kamakailan.

Ayon kay Benjo Basas, tagapangulo ng TDC, nagpapasalamat ang mga guro sa hakbang na ito ng Senado at inaasahan nilang ipapasa rin ang katapat na panukala sa Kamara sa lalong madaling panahon. Sa ilalim ng panukala, ang teaching aid allowance ng mga guro ay itataas sa P7,500 para sa School Year 2023-2024 at P10,000 sa School Year 2024-2025.

“Kahit pa sabihing maliit na benepisyo ito, malaking tulong na rin sa mga guro sapagkat mababawasan ang aming gastusin para sa mga pangangialngan sa aming pagtuturo. Yung mga papel, manila paper, chalk, marker at iba pang gamit ay hindi naman namin personal na gamit, bagkus ay gamit namin upang gampanan ang aming opisyal na tungkulin kaya dapat lamang na ito ay ibigay sa amin nang libre,” dagdag pa ni Basas.

Sa kasalukuyan, ang benepisyong ito na nakapaloob sa tinatawag na cash allowance ay nagkakahalaga lamang ng P5,000 mula taong 2022 at kasama pa ang mga gastusin sa internet at communication, pati na ang pambayad sa annual medical examination ng mga guro.

“Itong gastusin para sa internet at laptop ay dapat ding tratuhin ng gobyerno na opisyal na gugulin at hindi na dapat kunin sa bulsa ng mga guro. Samantalang itong annual medical check-up naman ay benepisyong dati nang nasa batas, hindi nga lamang naipatutupad. Hinahamon din namin ang Senado at Kamara na magbigay ng agarang aksiyon hinggil dito,” ani Basas.

Ang Kabalikat sa Pagtuturo Act ay panukalang batas na inihain bilang Senate Bill No. 22 ni Sen. Bong Revilla.