TDC SA DEPED: KALAGAYAN NG MGA GURO TUTUKAN
HINILING ng Teachers’ Dignity Coalition sa Department of Education na tutukan ang kalagayan ng mga guro na mula pa noong Hunyo ay subsob na sa iba’t ibang trabaho mula sa Brigada Eskwela, enrollment, weekly accomplishment reports, webinars at online meetings, module preparation at distribution at hanggang sa mga gawaing pagtuturo- online at modular mula nitong Oktubre 5.
Kasabay nito ay sinabi ng TDC na hindi makatarungan na ang mga guro ang nasisisi kapwa ng mga magulang at ng pamunuan ng DepEd sa mga kamalian sa modules, maging sa maraming gawain ng mga mag-aaral.
“Matapos sumalo sa napakaraming reklamo ng mga magulang at madla dahil sa samu’t saring kalituhan, mga guro pa rin ang sinisisi sa mga kamalian sa modules na hindi naman sila ang gumawa o hindi sila ang dapat na gumawa,” sabi ni Benjo Basas, national chairperson ng grupo.
“Ngayon naman, nang makitang nabibigatan ang maraming mag-aaral sa modular activities, pinaalalahanan ng DepEd ang mga guro na huwag umanong tambakan ng mga gawain ang mga bata na tila ba mga guro ang nagdesisyon sa nilalaman ng modules na ito,” dagdag pa ni Basas.
Ayon kay Basas, ang mga ito ay indikasyon lamang na may mas malalim pang problemang dapat tugunan ang DepEd hinggil sa distance learning modality. Nagpapatunay rin umano ito na hindi lubusang napaghandaan ang pagbubukas ng klase taliwas sa mga pahayag ng DepEd na nakahanda ang ahensiya kahit naituloy ito noong Agosto 24.
“Siguro ang mga ito ay patunay lamang na may problema talaga sa pagpipilit sa pormal na pagbubukas ng klase para sa school year 2020-2021. Ngayon sa nakikita natin at kung magpapatuloy ito, baka masayang lamang ang pagsisikap ng DepEd at mga guro pati na ang napakalaking perang inilaan para sa modules dahil mukhang mahihirapan tayong maibigay sa mga bata ang kinakailangang edukasyon at mahihirapan naman ang mga bata at kanilang pamilya na makaagapay sa bagong sistemang ito,” sabi ni Basas.
Ayon sa TDC, ang mga adjustment na ginawa ng DepEd ay mahalaga at dapat ipagpatuloy upang matiyak na walang batang maiiwan. Handa umano ang kanilang grupo na makipagtulungan sa ahensiya para sa kapakanan ng mga batang Filipino.