Nation

TDC SA DEPED: HUWAG ISUGAL ANG BUHAY AT KALIGTASAN NG MGA GURO

MULING nanawagan ang Teachers' Dignity Coalition sa pamunuan ng Department of Education na ipatupad ang alternative work arrangement, partikular ang work-from-home scheme.

/ 23 March 2021

MULING nanawagan ang Teachers’ Dignity Coalition sa pamunuan ng Department of Education na ipatupad ang alternative work arrangement, partikular ang work-from-home scheme.

Ito’y matapos ang muling pagtaas ng kaso ng Covid19 sa bansa at ang pagsasailalim sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan sa mas mahigpit na quarantine rules.

“Exposed na exposed po ang mga guro natin sa virus dahil sa iba’t ibang mga gawain gaya ng face-to-face seminars at meetings na puwede naman sanang gawing virtual. Mayroon ding ilang nire-require for home visitation maliban pa sa distribution at retrieval ng modules,” pahayag ni Benjo Basas, pambansang tagapangulo ng grupo.

Nabanggit ni Basas ang pangyayari sa Zambales kung saan ayon sa ulat ay aabot sa humigit-kumulang 30 ang nahawaan ng Covid19 matapos ang serye ng seminar sa dalawang resort sa bayan ng Iba, karamihan sa kanila ay mga punong guro mula sa mga pampublikong paaralan sa lalawigan.

“Ito pong seminar na ito ay hindi naman esensiyal at maaari sanang ipinagpaliban na lamang o ginawang virtual, kagaya ng nakagawian na sa DepEd at sa buong mundo mula noong nakaraang taon. Pero bakit nagtipon pa rin ang ganito karaming bilang ng mga kalahok na walang kaukulang permiso? Sino kaya ang mananagot sa pangyayaring ito? At anong tulong ang maaaring asahan ng mga guro at kawani na nahawaan mula sa DepEd?” tanong ni Basas.

Dagdag pa ni Basas, hindi isolated ang kasong ito sa Zambales dahil sa kabila ng deklarasyon ng DepEd na hanggang maaari ay walang physical reporting, patuloy pa ring inoobilga ang mga guro na pumasok sa mga paaralan kahit walang gagawin doon sapagkat online at modular ang paraan ng pag-aaral ngayon ng mga bata. Maging sa pagdalo sa virtual in-service traning ng DepEd noong nakaraang linggo ay may mga paaralan pa rin umano ang nag-require sa mga teacher na mag-face-to-face.

“Mahirap maunawaan ang lohika nito, virtual na ang seminar at streamed live sa YouTube pero may mga kaso pa rin kung saan pinapunta ang mga guro sa paaralan upang doon sama-samang manood sa kanilang computer room. Tinipon ang nasa 30 teacher sa isang sarado at air-conditioned na silid maghapon,” dagdag ni Basas habang tinukoy na halimbawa ang isang paaralan sa Vigan City.

Mula pa noong nakaraang taon ay iginigiit na ng TDC sa DepEd ang obligasyon nitong tiyakin ang kalusugan at kaligtasan ng mga guro sapagkat marami na rin sa kanilang hanay ang nahawaan ng Covid19 kaugnay pa rin sa kanilang trabaho.

“Ang masakit dito ay wala namang nakahandang ayuda ang DepEd sa mga guro. Taliwas sa atas ng Magna Carta for Public School Teachers na dapat ay alagaan ng gobyerno ang kalusugan ng mga guro sa pamamagitan ng libreng medical check-up at pagpapagamot kung sakaling magkakasakit, may pandemya man o wala,” paliwanag ni Basas.

“Muli po kaming nananawagan sa DepEd na sana ay huwag isugal ang buhay at kaligtasan ng mga guro at istriktong ipatupad ang mga health protocols at ang mismong kautusan nito hinggil naman sa alternative work arrangement,” dagdag pa niya.

Alinsunod sa kautusan ng Civil Service Commission at ng Inter-Agency Task Force, naglabas din  ng mga espesipikong panuntunan ang DepEd sa pamamagitan ng DepEd Order No. 11, s. 2020 noong nakaraang taon upang ipatupad ang alternative work arrangement para sa mga guro.

“DepEd mismo ang nagsasabi at nagmamalaki na ang mga guro ay nasa ilalim ng work from home scheme, eh bakit parang hindi ganoon ang nangyayari sa field?” pagtatapos ni Basas.