Nation

TDC IAAPELA PA RIN ANG PAG-URONG SA PAGBUBUKAS NG KLASE

/ 16 July 2022

SINABI ng Teachers’ Dignity Coalition na iaapela pa rin nila kina Vice President Sara Duterte-Carpio at Presidente Ferdinand Marcos Jr. ang pag-urong sa school opening bagama’t mariing sinabi ng Department of Education na pinal na ang nakatakdang petsa ng unang araw ng pasukan sa Agosto 22 para sa susunod na school year.

Ayon kay Benjo Basas, national chairperson ng  grupo, hindi sila tutol sa pagsasagawa ng face-to-face classes, sa katunayan ay suportado nila ang hakbang na ito ng gobyerno.

Subalit aniya, dapat kilalanin ng pamahalaan ang karapatan ng mga guro para sa sapat na school break at pahinga upang mapaghandaan nila ang paggampan ng kanilang tungkulin, gayundin ang pagtugon sa mga pangangailangan ng paaralan para sa in-person classes.

Umaasa pa rin, aniya, ang TDC na pagbibigyan ni Duterte-Carpio na siya ring kalihim ng DepEd, ang kanilang kahilingan para sa isang dayalogo upang mailatag nila ang mga dahilan ng kanilang panukalang iurong ang pagbubukas ng klase sa kalagitanaan ng Setyembre.

“Noong mga nakalipas na panahon kahit na mayroon nang approval ang pangulo at mayroon nang DepEd order ay nababago pa rin ang school calendar, basta may mga valid na kondisyon upang gawin ito,” pahayag ni Basas sa isang video.

“At naniniwala kaming ganito ang ating sitwasyon ngayon. Naniniwala kami na maaari pang maikonsidera ito ni VP Sara Duterte at ng Pangulong Marcos mismo,” dagdag pa niya.

Kamakailan lang ay hiniling ng TDC kay Duterte-Carpio na iurong sa kalagitnaan ng Setyembre o unang linggo ng Oktubre ang pagbubukas ng klase para bigyan ng sapat na panahon ang mga guro na paghandaan ang in-person classes.