TAYTAY GOV’T NAMAHAGI NG RESOGRAPH MACHINES SA PUBLIC SCHOOLS
NAGBIGAY ng mga resograph machine ang lokal na pamahalaan ng Taytay, Rizal sa mga pampublikong paaralan sa bayan na gagamitin para sa distance at online learning.
“Dumating na po ang pang-unang brand new 10 units ng mga risographic machines para sa ating mga public schools na gagamitin sa combined printed modules and online classes,” pahayag ng lokal na pamahalaan sa isang Facebook post.
Ayon sa lokal na pamahalaan, layunin nito na mabigyan ng modernong equipment ang bawat paaralan para makagawa ng modules na ibabahay-bahay ng mga guro para sa kaligtasan ng mga estudyante.
“Bukod pa ang mga bond papers at USB radio na kaloob ng ating pamahalaang bayan sa mga public schools upang makapuno sa pangangailangan ngayong blended learning scheme dahil sa pandemya,” ayon sa lokal na pamahalaan.
Bago mag-umpisa ang pasukan ay namahagi rin ang lokal na pamahalaan ng libreng bluetooth speakers sa mga public school Kindergarten pupil. Nasa 4,200 bluetooth speakers ang ipinamahagi sa mga Kindergarten pupils bilang suporta sa learning continuity program ng Department of Education.
Sa ilalim ng blended learning program ng ahensiya, mag-aaral ang mga estudyante sa kanilang mga tahanan gamit ang Internet, printed modules o kombinasyon ng dalawa. Gagamit din ng telebisyon at radyo para sa broadcast lessons.