TAX RELIEF SA MGA GURO ISINUSULONG
ITINUTULAK ni Pangasinan 5th District Rep. Ramon Guico III ang panukala na i-exempt ang mga public school teacher sa pagbabayad ng income tax.
Sa House Bill 4819, nais ni Guico na amyendahan ang National Internal Revenue Code of 1997 upang maisama ang mga Teacher 1, 2 at 3 sa mga exempted sa pagbabayad ng income tax.
Ipinaliwanag ni Guico na dahil sa maliit na take home pay ng mga guro, marami sa kanila ang umaalis para kumita nang mas malaki.
“As a consequence, teaching professionals have become part of the on-going brain drain phenomoenon in the country, while others decidedly gave up the profession,” pahayag ni Guico sa kanyang explanatory note.
Aminado si Guico na dahil sa kakapusan ng budget, hindi agad maibibigay ang anumang ipinapanukalang pagtataas sa sahod ng mga guro.
Sinabi ng mambabatas na batay na rin sa paliwanag ni Education Secretary Leonor Briones, ang P5,000 across the baord increase para sa may 830,000 teaching force ay mangangailangan ng P75 billion na dagdag pondo kada taon.
Upang mabalanse ang kalidad ng buhay ng mga guro, iginiit ng kongresista na mas makabubuting bigyan na lamang ng tax relief ang Teachers 1, 2 at 3.
“Improving the lot of our public school teachers is not a one-time endeavour. The salary increase for public school teachers shall never be out of the question, but it still has to be equitable and sustainable,” dagdag pa ni Guico.