Nation

TAX RATE HIKE SA PRIVATE SCHOOLS INALMAHAN

/ 4 June 2021

MARIING tinutulan ni Kabataan Partylist Rep. Sarah Jane Elago ang bagong memorandum ng Bureau of Internal Revenue na nagpapataw ng mas mataas na buwis sa mga pribadong paaralan.

“Tinututulan ng Kabataan Partylist ang tax rate hike sa mga private schools mula 10% hanggang 25%. Napakataas ng 15% increase, dapat lang tutulan ito at rebyuhin na,” pahayag ni Elago.

“Ipatutupad pa ito sa panahon na walang sapat at napakaliit ng ayuda sa edukasyon at kakapasa lang ng Resolution of Both Houses 2 na nagtanggal ng foreign equity restrictions sa educational institutions,” dagdag pa ng kongresista.

Ibinabala ni Elago na ang tatamaan sa tax rate hike alinsunod sa BIR Revenue Regulation 5-2021 ay ang maliliit na private schools.

Ipinaalala pa niya na marami na ang nawalan ng trabaho sa sektor ng edukasyon dahil sa mga nagsara o nakaambang magsara na eskwelahan dahil sa pagbagsak ng student enrollment at sa gastos sa flexible learning.

“Hirap na hirap na ang schools sa kakulangan ng mga institutional subsidy sa gitna ng pandemya, dadagdagan pa sila ng pasanin na babalikatin din naman ng mga estudyante at magulang. Magbubunsod ito ng kawalan ng trabaho at kabuhayan, at pagtataas ng tuition at iba pang bayarin,” diin ni Elago.

“Imbes na tax rate hike, pag-aralan ang pagpataw ng tax holiday at pataasin ang ayuda sa sektor ng edukasyon, kasabay ng moratorium sa pagtataas ng school fees gayundin ang waiver sa student loans,” giit pa ng mambabatas.