Nation

TAX PERKS SA PRIVATE SCHOOLS BIBIGYANG-LINAW SA KAMARA

/ 16 June 2021

INAPRUBAHAN na ng House Committee on Ways and Means ang panukala na magbibigay linaw sa ipapataw na corporate income tax sa mga pribadong paaralan.

Sa virtual hearing ng komite, sinabi ni Albay Rep. Joey Salceda na may commitment na rin ang Bureau of Internal Revenue na susuportahan ang panukala upang maging malinaw ang batas para ma-avail ng mga private school ang 1 percent na tax rate hanggang 2023.

Binigyang-diin ni Salceda na magiging malaking tulong sa mga pribadong paaralan ang mababang tax rate upang makakuha pa ng mga dagdag na guro.

“On the other hand, applying the CREATE until 2023 would allow these schools to save an equivalent of 3.43 percent of compensation expenses, which could help them rehire at least 12,996 teachers at the start of the next school year,” sabi ni Salceda.

Alinsunod sa Tax Code, ang mga private school ay may preferential tax treatment na nagbaba sa 1 percent ng buwis mula sa 10 percent.

Subalit nitong Abril 8, naglabas ang BIR ng Regulation No. 5-2021 na nagtataas naman ng income tax ng mga private school sa 25 percent.

Inihain ni Salceda ang House Bill 9596 upang amyendahan ang Section 27B ng Tax Code habang isinulong ni Rep. Mark Go ang House Resolution 1877 na naghihikayat sa BIR na bawiin ang RR 5-2021.