TAX INCENTIVES SA EMPLOYERS NA TATANGGAP NG K-12 GRADUATES
ISINUSULONG ni Quezon City 5th District Rep. Alfred Vargas ang pagbibigay ng tax incentives sa mga kompanya na tatangap ng K-12 graduates.
Sinabi ni Vargas na layon ng inihain niyang House BIll 7120 o ang proposed K-12 Employers’ Tax Incentives Act na tuluyan nang makamit ang mithiin ng Enhanced Basic Education Act of 2013 na mabigyan ng trabaho ang mga magtatapos sa programa.
Ipinaliwanag ng kongresista na bagaman ilang taon nang naipatutupad ang programa, marami pa ring employers ang hindi kumpiyansa sa pag-eempleyo ng K-12 graduates.
“The Philippine Institutes of Development Studies explains that companies do not have in-depth knowledge on the senior high school program and the knowledge and skills acquired by the K- 12 graduates. This is coupled with the fear and lack of confidence by senior high school students of not being able to get a job immediately after graduation despite the goals set by the K-12 program,” pahayag ni Vargas sa kanyang explanatory note.
Batay sa panukala, ang mga kompanyang mag-eempleyo ng K-12 graduates ay pagkakalooban ng special deduction sa kanilang gross income na katumbas ng 20 percent ng kabuuang bayarin sa pasuweldo sa mga kinuhang senior high graduates.
Gayunman, hindi dapat lalagpas sa 10 percent ng taxable income ang insentibo at kinakailangang magpakita ang kompanya ng mga dokumento na magpapatunay na K-12 graduates ang kanilang mga empleyado.