TAX EXEMPTION SA MGA DONASYON SA YOUTH AT SPORTS DEVELOPMENT PROGRAMS ISINUSULONG
IPINANUKALA ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. ang pagkakaloob ng tax exemption sa lahat ng donasyon o kontribusyon na direktang gagamitin sa mga programa para sa youth and sports development.
Sa Senate Bill 2363 o ang proposed Tax Exemption for Donations for Youth and Sports Development Act, sinabi ni Revilla na dahil sa makasaysayang pagsungkit ni weightlifter Hidilyn Diaz ng Olympic gold medal, nakita na dahil sa sports, nagkakaisa ang lahat at nagdudulot ito ng karangalan sa buong bansa.
“Given the much-needed support and necessary interventions, there is no doubt that Filipino athletes could perform even better and bring great honor to the country in the years to come,” pahayag ni Revilla sa kanyang explanatory note.
Sinabi ni Revilla na layon ng kanyang panukala na palakasin ang lahat ng programa para sa kabataan at sa sports development sa pamamagitan ng suporta ng pribadong sektor.
Ipinaliwanag pa ng senador na kadalasang nagiging problema sa mga programa ang pondo kaya kung mas marami ang mahihikayat na mag-donate ay mas magiging matagumpay ang programa.
Alinsunod sa panukala, gagawing tax exempted ang lahat ng donasyon, grants at kontribusyon sa mga programang pangkabataan at pampalakasan ng public educational institutions, local government units at iba pang ahensiya ng gobyerno na nakatutok sa youth and sports development.
Inaatasan naman ang Department of Finance, Bureau of Internal Revenue at iba pang ahensiya na bumalangkas ng mga regulasyon para sa pagpapatupad ng mga probisyon.