TAX EXEMPTION SA KOMPENSASYON NG TEACHERS SA ELEKSIYON APRUB NA SA HOUSE PANEL
LUSOT na sa komite sa Kamara ang panukalang i-exempt sa income tax ang honoraria na tinatanggap ng mga guro at poll workers na nagseserbisyo sa national at local elections.
Sa virtual hearing ng House Committee on Ways and Means na pinangunahan ni Albay Rep. Joey Salceda, nagkasundo ang mga miyembro na iendorso sa plenaryo ang tax exemption provisions sa ilalim ng House Bills 225 at 5485.
Sa sponsorship speech para sa House Bill 225, sinabi ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na ang pagpapataw ng buwis sa kompensasyon ng mga guro at poll workers sa eleksiyon ay taliwas sa intensiyon ng Republic Act 10756 o Election Service Reform Act.
“Naniniwala kami na sa pagpasa ng ating panukala, kinukumpirma ng tax panel ng Kamara na walang basehan ang BIR na kaltasan simula 2018 ang mga tinatanggap ng election service volunteers, na karamihan ay mga guro at iba pang empleyado ng Department of Education,” pahayag ni Castro sa pagdinig.
“Naniniwala rin kami na hindi dapat bawasan ang maliit na benepisyo na ibinibigay sa kanila kapalit ng napakabigat na sakripisyo at katapangan tuwing eleksiyon.
“Simula 2018, kinakaltasan ng BIR ang mga miyembro ng Boards of Election Inspectors halimbawa ng P300 kada isa—at pagbubuwis ito na wala namang legal na awtoridad,” dagdag ng kongresista.
Napagkasunduan naman ng komite na isulong ang pagdaragdag ng probisyon sa National Internal Revenue Code of 1997 na nagsasaad na hindi dapat isama sa computation ng gross income ang honoraria, travel allowance, at iba pang benepisyo na ipagkakaloob ng Commission on Elections sa mga taong nagseserbisyo sa panahon ng halalan.
Umaasa naman ang sponsor ng panukala na maihahabol sa susunod na halalan sa 2022 ang approval nito.