Nation

TAX EXEMPTION SA HONORARIA NG POLL WORKERS LUSOT NA SA KAMARA

/ 24 August 2021

INAPRUBAHAN na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukala na nag-e-exempt sa pagpapataw ng income tax sa honoraria, allowances at iba pang financial benefits ng mga magsisilbi sa halalan.

Sa botong 202-0-0, lusot na ang House Bill 9652 na inisponsoran ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro.

Sinabi ni Castro na mahaba na ang panahong itinakbo ng panukala kaya nagagalak sila sa tuluyang pagpasa nito.

“Talagang napakahaba na ng tinakbo ng kampanya para sa makataong kompensasyon at makabuluhang pagkilala sa mga paghihirap at sakripisyo ng libo-libong guro at ibang mamamayan na nagbo-volunteer tuwing eleksiyon,” pahayag ni Castro.

Muling iginiit ng mambabatas na walang legal na batayan ang direktiba ng Bureau of Internal Revenue na kaltasan ang benepisyo ng poll workers sa pamamagitan ng pagpapataw ng bagong buwis.

“Hindi dapat bawasan pa ang kakarampot nang honoraria, travel allowances, at iba pang benepisyong tinatanggap ng mga sinusuong ang iba’t ibang panganib para lamang itaguyod ang halalan at protektahan ang mga boto ng sambayanang Pilipino,” giit ni Castro.

“Dapat nga ay taasan pa ang mga benepisyong ito, kaya kaakibat ng HB 9652 ang panukalang irebyu ng Comelec ang halaga ng honoraria, travel allowance, at mga compensation package na nasa ESRA.  Limang taon na ang lumipas matapos ipasa ang batas pero hindi pa ini-increase-an ang mga benepisyo sa kabila ng mandato sa Comelec na irebyu at ipanukala ang pagtaas ng mga ito,” dagdag ng kongresista.

Kasabay nito, pinasalamatan ni Castro sina Senadora Nancy Binay at Senador Win Gatchalian na naghain ng kaparehong panukala sa Senado kasabay ng panawagan na agad na itong ipasa.

Alinsunod sa panukala, aamyendahan ang National Internal Revenue Code of 1997 upang alisin ang election-related honoraria at allowances sa computation ng gross income ng mga nagsisilbi sa halalan, partikular ang mga guro.