TAX EXEMPTION SA DONASYON SA CHED LUSOT NA SA HOUSE PANEL
INAPRUBAHAN na ng House Committee on Ways and Means ang panukala na nagkakaloob ng tax exemption sa mga donasyon at kontribusyon kasama na ang grants sa Commission on Higher Education.
Sa virtual deliberations, inaprubahan ng panel na pinangungunahan ni Albay 2nd District Rep. Joey Salceda ang panukala ni Baguio lone District Rep. Mark Go, chairman ng House Committee on Higher and Technical Education, na naglalayong palakasin ang CHED.
Nakasaad sa inaprubahang panukala na tatanggap din ng mga donasyon, regalo at iba pang tulong ang CHED na dapat ay maging exempted sa donor’s tax at ibabawas naman sa income tax ng donor.
Ayon sa kongresista, sa academic year 2018-2019, umabot sa 1,721 ang private higher education institutions habang kabilang sa public HEIs ang 111 state universities and colleges, 118 local universities and colleges at 13 iba pang state-run HEIs.
Binigyang-diin ang exemption sa buwis ng lahat ng donasyon makaraang mapagkasunduan din ng komite na bumuo ng Higher Education Development Trust Fund o dating tinatawag na Higher Education Development Fund na gagamitin sa pagsuporta sa mga programa ng higher education institutions.
“The government contribution shall be sourced from travel tax collections, professional registration fee collections and sales from lotto operations of the Philippine Charity Sweepstakes Office,” pahayag ni Go.
Sa ilalim ng panukala, ang National Treasurer ang magsisilbing portfolio manager ng Higher Education Development Trust Fund na eksklusibo lamang na gagamitin sa pagpapalakas ng higher education.
Alinsunod din sa panukala, ang Trust Fund ay maaari ring manggaling sa mga donasyon, regalo at iba pang tulong tulad ng pagbibigay ng mga materyales, equipment, properties at services.