TATLONG NATIONAL HIGH SCHOOL IPINATATAYO SA BULACAN
TATLONG karagdagang national high school ang isinusulong ni Senador Imee Marcos na ipatayo para mapalawak pa ang serbisyo ng edukasyon sa lalawigan ng Bulacan.
Sa tatlong magkakahiwalay na panukala, iginiit ni Marcos ang pagtatayo ng mga paaralan sa Brgy. Gabihan sa San Ildefonso at sa Brgy. Santisima Trinidad at Brgy. Canalate sa Malolos City.
Sa Senate Bill 1783, papangalanan ang isa sa mga paaralan ng Gabihan National High School habang sa Senate Bill 1781 at 1771, itatayo naman ang Santisima Trinidad National High School at Canalate National High School.
Sa mga panukala, ipinaalala ng senador na nakasaad sa 1987 Constitution na mandato ng pamahalaan na protektahan ang karapatan ng mamamayan sa dekalidad na edukasyon.
Iginiit pa ng mambabatas na mandato rin ng estado na gawing accessible ang pag-aaral para sa lahat.
Ipinaliwanag ni Marcos na mahalaga ang pagtatayo ng mga paaralaan sa tatlong nabanggit na barangay upang matiyak na mabibigyan ng dekalidad na secondary education ang mga kabataan.
Sinabi pa nito na hindi na rin kinakailangang bumiyahe pa nang malayo ang mga residente ng bawat barangay at hindi na magiging sagabal ang kawalan ng pamasahe at masisiguro maging ang kaligtasan ng mga bata sa kanilang pag-aaral.