TASK FORCE SA HOME-BASED VIRTUAL EDUCATION SYSTEM PINABUBUO
INAPRUBAHAN na ng House Committees on Basic Education and Culture at Higher and Technical Education ang resolusyon na nagsusulong sa pagbuo ng isang task force para sa pagbalangkas ng home-based virtual education system para sa mga guro at estudyante ng K-12.
Batay sa Committee Report 376, inirekomenda ang House Resolution 969 na humihikayat sa Department of Education, Department of Information and Communications Technology at Department of Health na bumuo ng task force.
Nakasaad sa resolution na isinulong nina South Cotabato 1st District Rep. Shirlyn Banas-Nograles, Pasig City Rep. Roman Romulo at Baguio City Rep. Mark Go na makikipag-ugnayan ang mga ahensiya ng gobyerno sa major telecommunication companies sa bansa para sa naturang hakbangin.
Alinsunod sa resolution, ipatutupad ang sistema sa panahon ng state of public health emergency.
Iginiit ng mga kongresista sa resolusyon na dahil sa kinakaharap na Covid19 pandemic, kinakailangang makahanap ng paraan ang gobyerno upang maipagpatuloy ang pag-aaral nang hindi isinusugal ang kaligtasan ng mga guro, school administrators at staff at maging ng mga mag-aaral.
Batay rin sa inaprubahang resolution, dapat makipagpartner ang gobyerno sa major telecommunication companies para sa subsidized o libreng internet bandwidth na gagamitin ng mga guro at mag-aaral bilang bahagi ng corporate social responsibility ng mga kompanya.
Naniniwala rin ang komite na may kakayahan ang mga telecommunication company na tumulong sa pagbalangkas at pagpapatupad ng alternative, web-based learning system na accessible sa mga tahanan, kabilang na ang mga computing platform at aplikasyon.