Nation

TALAMAK NA BENTAHAN NG ACADEMIC REQUIREMENTS PINAAAKSIYUNAN SA DEPED, CHED

PINAKIKILOS ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang Department of Education at Commission on Higher Education sa talamak na bentahan ng academic requirements sa social media na iniulat ng The POST.

/ 25 March 2021

PINAKIKILOS ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang Department of Education at Commission on Higher Education sa talamak na bentahan ng academic requirements sa social media na iniulat ng The POST.

Dahil sa kinakaharap na mga problema ng mga estudyante sa blended learning, nagiging bahagi na ng sistema ang naturang aktibidad.

“Nakakalungkot ang nangyayaring ‘completion of academic requirements for fee’. Nagiging embeded sa sistema ng blended learning ang ganitong kalakaran. Kaya dapat kumilos ang DepEd/CHED dito,” pahayag ni Castro sa eksklusibong panayam ng The POST.

Kaugnay nito, ilang hakbangin ang iminungkahi ni Castro upang maputol na ang mga iregularidad dulot ng blended learning.

Kabilang sa mungkahi ni Castro ang agarang pagpapatupad ng limitadong face-to-face classes sa limitadong oras, boluntaryo at gagawin lamang sa mga low-risk area, partikular sa mga rural area.

Iginiit din ng kongresista ang pagbuo ng leksiyon na isasailalim sa ebalwasyon ng mga guro.

“Never magpapagawa ng activity na beyond sa capacity ng bata, kung puwedeng individual basis ito depende sa kakayahan ng bata,” giit pa ni Castro.

Tiniyak din ng mambabatas ang pagsasagawa ng investigation in aid of legislation upang matigil na ang sistema.

“Investigate ito at maging rehabilitative ang purpose at hindi punitive,” diin pa ni Castro sa The POST.