TABLET SA LAHAT NG MAG-AARAL TINIYAK NG PASIG LGU
TINIYAK ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Pasig na bawat Pasigueñong mag-aaral ay magkakaroon ng tablet at iba pang learning devices para sa kanilang pag-aaral ngayong taong pampaaralan.
Kamakailan lang ay nagsagawa ng Zoom meeting ang lokal na pamahalaan, sa pangunguna ni Mayor Vico Sotto, upang talakayin ang Brigada Eskwela at mga paghahanda sa School Year 2021-2022.
“Hindi biro ang distance/blended learning, pero lahat ay kinakaya natin basta’t may bayanihan,” saad ni Sotto sa kanyang Facebook post.
Ayon sa alkalde, kanilang sisiguraduhin na bawat mag-aaral sa lungsod, lalong- lalo na yaong mga mahihirap na estudyante na nag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa lungsod, ay magkakaroon ng gadget na kanilang gagamitin para sa online learning.
“Siguraduhin natin na mayroon lahat tablet at learning devices. Papalitan [natin] ang mga nasira,” pagtitiyak ng alkalde.
Binanggit din ng punong-lungsod na bibili sila ng karagdagang school supplies para sa mga mag-aaral ng lungsod at magpapa-bid na umano sila para rito.
Bukod sa mga kagamitan sa pag-aaral, sinabi rin ni Sotto na magbabalik sa Oktubre ang kanilang programa na “Malusog na Batang Pasigueño” kung saan ang bawat mag-aaral ay makatatanggap ng isang nutrition food pack na may kasamang vitamins kada buwan.