Nation

SUSPENSYON NG KLASE PINABORAN NG SENADOR

/ 17 November 2020

PABOR si Senador Bong Go sa panukalang suspendihin ang ipinatutupad na distance/modular learning sa gitna ng sunod-sunod na kalamidad na puminsala sa iba’t ibang lalawigan.

Ayon kay Go, kung kinakailangang magpatupad ng isa o dalawang buwang suspensyon para sa mga lugar na nasalanta ng bagyo dahil nabasa ang modules ng mga estudyante ay kanya itong susuportahan.

“One month or two months importante po para sa akin, ulitin ko noon pa man sinabi ko ang stand ko, no vaccine, no face-to-face class. Eh, ngayon po mga modules nila sa pamamahay nila, nabasa, eh paano sila mag-aaral kaya we have to adjust,” pahayag ni Go.

“Importante po hindi masayang ang school year ng mga bata. Pumasa sila makapunta sila sa next school year nila, importante dito ang kapakanan ng kabataan,” sabi pa ng senador.

Muling binigyang-diin ng senador na mahalaga ang kaligtasan ng bawat isa kasabay ng pagsasabing madaling kitain ang pera subalit hindi  maaaring bilhin ng anumang halaga ang buhay.

Kasabay nito, hinikayat ni Go ang Department of Education na personal na tingnan ang bawat komunidad at agad palitan ang mga modules na nasira ng bagyo at baha.

“Pwedeng i-postpone ng one month, if not two months kung talagang ‘di kaya but I am appealing sa DepEd na pumunta rin po kayo dito tugunan ninyo ang pangangailangan kung may basang module, kung may gamit sila na nasira palitan ninyo agad para ‘di na po tumagal ng mahigit sa isang buwan dahil kawawa po ang kabataan natin sa kanilang edukasyon,”diin pa ng mambabatas.