Nation

SUPORTA SA LOCAL PUBLIC SCHOOLS ISINUSULONG SA SENADO

/ 27 July 2020

ISINUSULONG ni Sen. Bong Go ang pagpapalawig ng paggamit ng Special Education Fund upang mabigyang laya ang mga lokal na pamahalaan sa pagsuporta sa local public schools para sa transition ng blended learning sa gitna ng Covid19 pandemic.

Sa kanyang Senate Bill 396, nais ni Go na bigyan ng flexibility ang mga lokal na pamahalaan sa paggastos ng SEF para tumugma sa pangangailangan ng mga paaralan sa kanilang nasasakupan.

Alinsunod kasi sa Local Government Code, na kilala bilang Republic Act 7160, ang SEF ay nakalaan lamang sa operation at maintenance ng public school, construction at repair ng school buildings, facilities at equipment, educational research, pagbili ng mga libro at periodicals at sports development.

Maraming LGUs naman ang atubili na ilaan ito sa iba pang pangangailangang ‘tulad ng school supplies at training sa mga guro.

Sa panukala ni Go, maaari na ring saklawin ng SEF ang salaries at benefits ng teaching at non-teaching personnel, competency training, at ang operasyon ng ng alternative learning systems.

“Sa tulong ng panukalang ito, mabibigyan po natin ng sapat na kakayahan ang mga LGU na mapunan ang pangangailangang pang-edukasyon ng kanilang mga nasasakupan, para ‘di na nila kailangang umalis pa sa kanilang mga probinsya para lang makapag-aral sa metro cities,” sabi ni Go.

Nilinaw nito na sa kanyang panukala ay hindi pagkakalooban ng karagdagang pondo ang LGU at sa halip ay awtoridad lamang na magamit pa sa ibang gastusin ang SEF.

Kasabay nito, hinikayat ni Go ang mga lokal na pamahalaan na gamitin lamang ng tama ang SEF at hindi dapat ito mabahiran ng anumang iregularidad.