SUHULAN SA MGA GURO PAIIMBESTIGAHAN NG TDC
UMANI ng negatibong reaksiyon sa mga guro ang isang post sa social media na pinaniniwalaang galing sa account ng isang artista at mang-aawit.
UMANI ng negatibong reaksiyon sa mga guro ang isang post sa social media na pinaniniwalaang galing sa account ng isang artista at mang-aawit.
Ang post ay mula umano sa isang public school teacher na nakatakda sanang maglingkod sa halalan ngunit umatras matapos matuklasan na may plano ang isang kampo ng tumatakbong pangulo na mandaya at gamitin ang mga guro.
Ayon kay Benjo Basas, chairman ng Teachers’ Dignity Coalition, hindi posibleng magamit ang mga guro sa pandaraya sapagkat napakahaba ng prosesonog pinagdaraanan upang mapili o maaprubhan ang pag-upo nila sa halalan bilang miyembro ng electoral board o iba pang tungkulin.
“Imposibleng mandaya o magamit sa pandaraya ang mga guro. Nakaugat sa malalim na propesyunalismo ang paggampan na ito sa tungkulin at hindi basta-basta ang pagpili sa kanila. Ngayong kung mayroon mang ganoong mga pangyayari, hindi po namin ito kukunsintihin. Mabigat ang alegasyon at baka kailangang imbestigahan ito ng Comelec,” pahayag ni Basas.
Ayon pa rin sa nasabing post ay gagawing P15,000 ang halagang P9,000 na matatanggap ng mga kasapi ng EB kung makikiisa ang mga ito sa gagawing operasyon ng nasabing politiko.
“Hindi itataya ng mga guro ang trabaho, lisensiya, karangalan at dignidad para lang sa anim na libong piso o kahit pa magkano,” paliwanag ni Basas.
Ayon kay Basas, maaaring paninira lamang ng kung sinumang kampo ng mga kandidato ang post. Gayunman, ayon pa rin sa kanya, sakaling totoo ang alegasyon ay handa silang sumuporta.
“Kung iyan man ay totoo, aba’y kailangang lumantad sila dahil seryoso ang alegasyon. Kung totoo iyan ay malalagay sa alanganin hindi lamang ang halalan kundi maging ang karangalan ng ating mga guro. Lumantad sila at handa kaming sumuporta,” ani Basas.
Ang TDC, sa pakikipagtulungan sa Legal Network for Truthful Elections, ay may mga hotline na tatanggap ng mga ulat, tanong at sumbong mula sa mga guro at sa publiko mula ngayon, Mayo 8, hanggang sa Martes, Mayo 10.