SUBJECTS SA GRADES 1-3 PINABABAWASAN NGAYON PANAHON NG PANDEMYA
BAGAMA’T ilang linggo na lang bago ang umpisa ng pasukan sa Oktubre 5, 2020 ay sisikapin pa rin umanong kausapin ni Pasig Rep. Roman Romulo ang Department of Education na bawasan ang subjects sa Grade 1 hanggang Grade 3 lalo na ngayong panahon ng pandemya “para mas lalong matuto ang mga bata.”
Ayon kay Romulo, chairperson ng House committee on basic education and culture, mahihirapan umano ang mga bata sa naturang mga baitang na aralin ang napakaraming subjects at competencies lalo na ngayon na walang classroom face-to-face instruction.
“Itong gagawin natin na online, o distance learning, o kaya TV at radio na learning, o kaya’y ‘yung self-learning materials lahat po tayo hindi sanay rito kaya sina-suggest ko talaga sa DepEd na bawasan na natin yung number ng subjects at competencies lalong-lalo na ngayong panahon ng Covid19,” sabi ni Romulo sa isang virtual press conference.
“Huwag na po nating ambisyunin na dati lahat ng subjects, napakaraming subjects and competencies na itinuturo natin under K-12 [Kindergarten to Grade 12] nung face-to-face siguro po hindi na pwede ‘yan ngayon,” dagdag pa ng mambabatas.
Ayon sa kongresista ay sa susunod na pagpupulong nila imumungkahi nya ulit sa DepEd na kung maaaring bawasan ang subjects sa Grade 1 hanggang Grade 3.
“Sana tingnan ito ng DepEd at babanggitin ko ulit ito sa susunod na meeting. Kung titingnan po natin yung curriculum sa first quarter palang ng Grade 1 natin more or less anim na subjects at pagdating ng Grade 2 pitong subjects na ‘yan, okay lang naman kung importante ‘yun pero hindi naman tayo face-to-face ngayon eh,” dagdag na pahayag ng mambabatas.
Para walang masayang na panahon at mas lalo umanong matuto ang mga mag-aaral sa Grades 1 to 3, dapat anya na nakatutok ang pag-aaral ng mga bata sa reading, writing at mathematics.
“Baka pwedeng sa Grades 1 to 3 ay tumutok muna tayo sa reading, ‘yung matutong magbasa ‘yung mga estidyante at maintindihan nila ‘yung binabasa nila at matuto din magsulat. So reading, writing and Mathematics, ‘yung mga basic na math lang siguro. Pag dun po tayo tumutok sa tatlo na ‘yan napakalaking tulong na ‘yan sa ating mga mag-aaral,” sabi pa ni Romulo.
“Kapag natuto silang magbasa ay tiyak naiintindihan nila ‘yung pagbasa nila, effective man o hindi yung iba-ibang modalities ngayon, ‘yung mga bata po pag wala nang online classes, pag meron na siyang interes hahanap na sya ng librong babasahin at sya na rin po magiging sarili nyang teacher,” paliwag pa ng mambabatas.
Kanya pang idinagdag na baka pwedeng isama rin sa curriculum ang Good Manner and Rights Conduct o GMRC ngayong darating na pasukan.
“Ang tanong ngayon masasama ba ‘yan sa pagbubukas ngayong academic calendar? Sinasabi ko parati ito every meeting pero ‘nung Abril palang sinabi ko na ito sa DepEd,” sabi ni Romulo.
“Magandang pagkakataon na ‘yan kahit ‘yung simple lamang ‘yung pagbalik lamang ng ‘po at opo’ na pananalita ng ating mga mag-aaral lalong lalo na . . . ano ba naman ‘yung paulit-ulit na pagsabi ng po at opo,” pagtatapos niyang pahayag.