Nation

STUDY NOW, PAY LATER PROGRAM ISINUSULONG

/ 31 May 2021

IPINANUKALA nina CIBAC Partylist Reps. Eduardo Villanueva at Domingo Rivera ang pagbuo ng Study Now, Pay Later Program na popondohan ng gobyerno.

Sa House Bill 9305 o ang proposed Study Now, Pay Later Act, sinabi ng dalawang kongresista na sa kabila ng pagsisikap ng pamahalaan na palakasin ang edukasyon sa bansa, marami pa ring nagiging hadlang sa access to quality education.

Sa datos ng Philippine Statistics Authority, 49.4 percent o halos kalahati ng pamilyang Filipino noong 2017 ang walang access sa basic education.

Lumitaw rin na isa sa bawat 10 Pinoy na may edad anim hanggang 24 ay out of school o katumbas ng 3.5 milyong Pinoy ang hindi nagkakaroon ng pagkakataon sa basic, higher at tech-voc institutions.

“Unfortunately, the Covid19 pandemic has only exacerbated the obstacles to pursuing education,” pahayag ng mga mambabatas sa kanilang explanatory note.

Sa impormasyon ng Department of Education, sa Academic Year 2020-2021, 77 porsiyento lamang ng mga estudyante sa sinundang taon ang nag-enroll sa basic education.

Pangunahing problema sa edukasyon ay ang kawalan ng financial resources ng pamilyang Pinoy.

Batay sa panukala, sakop ng Study Now, Pay Later Program ang K-12 students, gayundin ang tertiary education students at technical vocational students.

Kasama sa pagpapatupad ng programa ang Development Bank of the Philippines at Land Bank of the Philippines para sa disbursement ng loan at proseso ng promissory notes.

Nakasaad pa sa panukala na bibigyan ng sapat na panahon ang mga estudyante sa pagbabayad ng loan.

Ang programa ay paglalaanan ng P1 bilyong pondo sa inisyal na pagpapatupad at daragdagang P100 milyon kada taon.