STUDENT LOAN PROGRAM NG GOBYERNO PINABUBUSISI
NAIS ni Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education Chairman Joel Villanueva na magsagawa ng ‘inquiry in aid of legislation’ sa implementasyon ng student loan program ng gobyerno.
Sa Senate Resolution 701, ipinarerepaso ni Villanueva ang programa sa ilalim ng Republic Act 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act.
Sinabi ni Villanueva sa resolusyon na layunin ng pagbusisi na matiyak na naipatutupad nang maayos ang student loan program at mas marami ang nakikinabang.
Para sa implementasyon ng programa, isang memorandum of agreement ang nilagdaan ng Commission on Higher Education at ng Development Bank of the Philippines para sa inisyal na pondo na P1 bilyon.
Alinsunod sa batas, ang loan ay maaaring gawing short-term na puwedeng bayaran sa loob ng isang academic year o long-term na maaaring bayaran kapag nakakuha na ng trabaho ng estudyante.
Ipinaliwanag ni Villanueva na noong October 15, 20218, agad na naglabas ang Unifast Board ng mga patakaran para sa short-term loans subalit hanggang ngayon ay walang guidelines para sa long-term loans.
Iginiit ng senador na dahil sa epekto ng Covid19 pandemic, marami sa mga estudyante ang nahihirapang magpatuloy ng pag-aaral.
“Considering that the Covid19 pandemic is unlikely to end soon, the one-year repayment period under the short-term loan component of the Student Loan Program may not be enough to help the students over the next academic year,” pahayag pa ni Villanueva.