STUDENT-ARTISTS, ENTHUSIASTS NAGKAISA PARA SA MGA MANGYAN
“NO Student Left Behind” kaya pinangunahan ng Malaya Project at DEFY+ ang ilang mga proyektong tuon sa pagtulong sa daang mga estudyanteng Mangyan sa papalapit na pagbubukas ng klase sa Oktubre 5.
Isa sa mga tampok na proyekto ang “Modified Enhanced General Basic Drawing Works” online workshop sa pangunguna ni JC Garcia na dinaluhan ng mga mag-aaral ng sining mula sa iba’t ibang dako ng Filipinas.
Itinuro sa online workshop na ito ang basics of shading, understanding of space, at dissecting of reference sa halagang 50 pesos lamang — abot-kayang araling-pansining para sa mga Filipino.
Lahat ng mga nalikom na halaga ay inilaan para sa learning kits ng 300 Mangyan sa Bansud, Oriental Mindoro.
Ang learning kits ay naglalaman ng lapis, pambura, pantasa, kwaderno, plastic envelope, at face mask. Bukod pa riyan, ilang mga ream ng bond papers din ang binili para makatulong sa pagpi-print ng kanilang modules ngayong uutilisahin ang distance learning dahil sa pandemya.
Isa si Garcia sa mga punong abala ng proyekto. Sa gitna ng kanyang iskedyul bilang working student ay naglalaan pa rin siya ng oras upang abutin ang mga katutubong Filipino sa tulong ng kaniyang husay sa pagguhit at iba pang anyo ng sining.
Lubos na nagpapasalamat ang Malaya Project at DEFY+ sa katagumpayan ng proyekto. Inaasahan naman ng publiko ang mga susunod pang pagsasanay na dadalhin ni Garcia at ng iba pang artista ng organisasyon.