STRESS NG MGA ESTUDYANTE ‘WAG ISISI SA GURO — LAWMAKER
KINONDENA ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang Department of Education sa paninisi sa mga guro sa nararanasang ‘burnout’ ng mga estudyante dahil sa workload sa gitna ng distance learning.
Ipinaalala ni Castro na hindi lamang mga estudyante at kundi maging ang mga guro ay nakararanas din ng ‘burnout’ sa pamimilit ng DepEd sa pagpapatupad ng face-to-face curriculum sa blended at distance learning.
“Just two weeks into the new school year, many students, parents and teachers are experiencing burnout with the demands of online or remote learning amid Covid19,” pahayag ni Castro.
Iginiit ng kongresista na sa dami ng mga kailangang gawin alinsunod sa K to 12 curriculum na patuloy na isinusulong ng DepEd sa kabila ng bagong moda ng pag-aaral, hindi maiiwasan ang stress na nararanasan ng mga guro at estudyante.
“We now ask DepEd: What are you doing to ease the workload of teachers and students amid the pandemic and remote learning via online or using the self learning modules?” tanong ni Castro.
Sinabi ni Castro na bago pa ang pagsisimula ng bagong school year, bigo na ang DepEd sa pagbuo ng mas nararapat na curriculum kaugnay sa bagong sistema ng pag-aaral at bigo rin sa pagbibigay ng sapat at dekalidad na modules.
Sa halip, ipinasa na ng ahensiya sa school administrators at local government units ang pag-iimprenta at pamamahagi ng modules.
Iginiit pa ng kongresista na hanggang ngayon ay bigo ang DepEd na bumuo ng malinaw na patakaran para sa working hours ng mga guro kaugnay sa alternative work arrangements at sa halip ay inoobliga ang mga ito na palaging maging available sa mga katanungan ng mga estudyante at kanilang mga magulang.
“It also failed to release adequate guidelines on teaching and learning conditions for online and modular cyber security issues,” diin pa ni Castro.
Sinabi pa ng mambabatas na kinakailangan pang umapela ng DepEd sa mga guro na gawing opsyonal ang ilang exercises kung naghanda ito ng nararapat na curriculum sa blended learning.
“Teachers are now obligated to be available 24/7 to answer the queries of their students and parents about the self learning modules. They still handle large class sizes amid the online and distance learning. Teachers are already experiencing burnout by being more overworked amid the new modes of learning,” dagdag pa ng mambabatas.