Nation

STEREOTYPING SA FARMERS PINALAGAN NG SENADOR

/ 21 November 2020

NANAWAGAN si Senador Kiko Pangilinan sa Department of Education na pangunahan ang kampanya laban sa ‘stereotyping’ sa mga magsasaka.

Sa deliberasyon sa Senado para sa proposed 2021 budget ng ahensya, pinuna ni Pangilinan ang lumabas na learning module na naglalaman ng ilustrasyon ng isang pamilya ng magsasaka na mahirap.

“Alam kong karamihan ng ating magsasaka ay mahirap pero kung ganito ang pagsasalarawan ng mga magsasaka, mahirap ho sila pero dito stereotyping parang kasuklam-suklam. We understand vast of our farmers are poor but stereotype them, ano ho ang magiging pananaw ng kabataan,” diin ni Pangilinan.

Iginiit pa ng senador na matagal na ring nagkakaroon ng bias sa buhay ng mga magsasaka.

“We don’t want to teach our students to look down at farming. Kapag nakita ito sasabihin hindi maganda ang buhay ng magsasaka,” dagdag ng senador.

Sinabi naman ni Senadora Pia Cayetano, sponsor ng budget, na inamin din ng DepEd na sadyang hindi maganda ang nabanggit na ilustrasyon ng pamilya ng magsasaka.

Idinagdag ni Cayetano na batay sa pahayag ni Education Secretary Leonor Briones, nagsasagawa na sila ng imbestigasyon sa insidente dahil zero tolerance policy in discrimination ang kanilang ipinatupad.

Iginiit naman ni Pangilinan na dapat ang DepEd ang manguna sa kampanya sa stereotyping sa mga magsasaka na matagal nang nangyayari.

“Kapag mahina ka, sasabihin nangangamote. Ano naman ang kasalanan ng kamote? Kapag hindi masipag, hindi masinop sa trabaho, pupulutin sa kangkungan. Kapag mababa ang grade, nangingitlog. Lahat ‘yun farming,” giit pa ni Pangilinan.

Sa interpelasyon naman ni Senadora Grace Poe, sinabi nito na dapat magkaroon ng sensitivity program ang DepEd sa paggawa ng mga module.

Ito ay nang kanyang punahin ang isa pang learning material na nag-viral na tumutukoy naman sa aktres na si Angel Locsin bilang obese na batay sa pahayag ng DepEd ay iniimbestigahan na ang guro.