STATUTORY RAPE AGE ITINAAS SA 16-ANYOS
LUSOT na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukala na nagtataas sa edad na sakop ng kasong statutory rape sa 16 mula sa 12-anyos.
Sa botong 207-3, inaprubahan na sa 3rd and final reading ang House Bill 7836 na naglalayong palakasin ang proteksyon laban sa rape, acts of sexual exploitation at sexual abuse.
Sa kasalukuyang batas, sakop lamang ng statutory rape cases ang mga 12-anyos pababa.
Batay sa panukala, nahaharap sa reclusion perpetua o 40 taong pagkakakulong ang mga makakasuhan ng statutory rape.
Binigyang-diin din sa panukala na hindi magiging dahilan ang pagpapakasal sa biktima upang malusutan ng suspek ang criminal liability.
Sinabi ni Tingog Partylist Rep. Yedda Marie Romualdez, isa sa may-akda ng panukala, na ang sinumang adult na nagkaroon ng sexual intercourse sa isang menor de edad ay ituturing na guilty sa kasong rape kahit may consent pa ito ng biktima.
“By establishing the crime of statutory rape to be any sexual activity with a child, of either sex, under the age of 16 — the law makes certain the punishment of those who commit such crime, without unnecessarily furthering the emotional and physical trauma of the child that may be brought about by a lengthy court proceeding or the need for any further physiological or material evidence,” diin ni Romualdez.
Una nang inaprubahan sa committee level sa Senado ang kaparehong panukala at nakatakda na rin itong isalang sa debate sa plenaryo.