Nation

STANDARD SANITATION SYSTEM SA MGA ESKUWELAHAN PINABUBUO

/ 8 September 2020

PINABABALANGKAS ni Ilocos Sur 1st District Rep. Deogracias Victor Savellano ang gobyerno ng standard sanitation system na ipatutupad sa lahat ng primary at secondary schools.

Sa kanyang House Bill 7021, iginiit ni Savellano na mahalaga ang standard system sa regular na paglilinis at disinfection sa mga paaralan upang matiyak ang ligtas na kapaligiran sa elementary at high school.

“As schools brace themselves for the return of their students as quarantine restrictions are slowly eased, measures have to be adopted to protect our children from the scourage of Covid19,” pahaya ni Savellano sa kanyang explanatory note.

Alinsunod sa panukala, bukod sa regular na paglilinis, dapat na palagian ding isailalim sa disinfection ang mga pasilidad sa paaralan.

Kabilang sa dapat na pinagtutuunan ng pansin sa disinfection ang door knobs at handles, stair rails, classroom desks at chairs, handrails, switch ng mga ilaw, ang mga pinagpapalitan ng gamit na telepono, desktops, computer keyboards at mouse, gayundin ang mga upuan at handrails sa school bus.

Sa ilalim pa ng panukala, obligasyon ng mga paaralan na tiyaking may malinis na tubig at regular na nasa-sanitize ang mga palikuran.