SPRING WATER GAMITIN SA MGA PAARALAN — SOLON
ISINUSULONG ni Ilocos Sur 1st District Rep. Deogracias Victor Savellano ang panukala para sa pagkakaroon ng spring water collection system sa mga paaralan.
Sa pagsusulong ng House Bill 7121, binigyang-diin ni Savellano na kailangang i-maximize ang lahat ng posibleng sources ng tubig na maaaring gamitin sa mga primary at secondary school, partikular sa mga rural area.
“Spring water has been used for a variety of human needs — such as drinking water, domestic water supply, irrigation, mills, and even electricity generation,” pahayag ni Savellano sa kanyang explanatory note.
Binigyang-diin ng kongresista na malaking tulong ang spring water upang matiyak din ang regular na sanitization sa mga paaralan upang labanan ang Covid19.
Batay sa panukala, gagawa ng spring water collection system upang madaling magkaroon ng access ang mga paaralan.
Iginiit sa panukala na dapat magkaroon ng storage tanks na hindi madaling pamahayan ng mga mikrobyo upang doon ipunin ang sobra-sobrang koleksiyon ng tubig.
Upang matiyak ang kalidad ng spring water para sa inumin, dapat magkaroon din ng spring water treatment para sa filtration at purification processes.
Sa ganitong paraan, matitiyak din na hindi kakapusin ng tubig sa mga paaralan sa panahon ng tag-init.