SPED, GRADE SCHOOL LEARNERS SA MAKATI MAY FOOD PACKS, HYGIENE KIT KAY MAYORA
BAGAMAN may pandemya, tiniyak ng lokal na pamahalaan ng Makati City na hindi magugutom ang mga mag-aaral sa lungsod, partikular ang nasa Special Education at elementary schools.
Sa anunsiyo ng Barangay Pembo, sinimulan na kahapon, Mayo 17, ang pamamahagi ng module, food packs, hygine kits, maging raincoat at rainboots sa Grade 1 students ng Pembo Elementary School.
Ngayong araw, Mayo 18, ay mga SPED learner sa nasabing paaralan ang makatatanggap ng rasyong pagkain, module at iba pa.
Ang distribusyon ay magsisimula alas-7 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon.
Ang pamamahagi ng kada antas ng mag-aaral ay may itinakdang petsa na magtatagal hanggang Mayo 26.
Ang pamimigay ng ayuda ay bahagi ng pagpapatuloy na programa ni Mayor Abby Binay na ibsan ang kagutuman sa mga mag-aaral sa kanyang nasasakupan.
May panawagan naman ang LGU sa mga mga magki-claim ng ayuda, una ay tanging mga magulang ng mga estudyante ang pinahihintulutan at kung hindi naman ay dapat may authorization, dalhin ang lumang ID ng mga estudyante, at magdala ng sariling ballpen.
Sumunod lamang sa itinakdang iskedyul ng distribusyon sa bawat antas ng mag-aaral, gayundin sa health protocols.