Nation

SPECIAL TAX RATE SA PRIVATE SCHOOLS APRUB NA SA KAMARA

/ 24 August 2021

LUSOT na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang magbibigay  ng special tax rate sa mga pribadong eskuwelahan sa bansa.

Sa botong 203-0-0, inaprubahan na ang House BIll 9913 na iniakda ni Albay Rep. Joey Salceda.

Sinabi ni Salceda na suportado ng mga kongresista ang panukala na magbibigay ng 10 porsiyentong preferential rate sa taxable income ng mga pribadong eskuwelahan at papayagan ang mga itong makakuha ng 1 percent special tax rate hanggang 2023.

Sa sandaling maging batas ang panukala, binigyang-diin ni Salceda na tuluyan nang maaawat ang plano ng Bureau of Internal Revenue na itaas sa 25 percent ang tax rate ng private educational institutions.

Iginiit ni Salceda na ang tax rate ay malaking tulong sa mga private school para makakuha ng serbisyo ng mas maraming guro at mga staff.

Sinabi naman ni Kabataan Partylist Rep. Sarah Jane Elago na sa pamamagitan ng House Bill 9913, mapipigilan ang pagpataw ng dagdag na pasakit sa mga institusyong naghihirap na sa gitna ng pandemya.

“Dapat lamang na pagtuunan ng pansin ang kalagayan ng ating mga paaralan habang pinapasan nila ang responsibilad na tiyakin ang pagkatuto ng mga kabataan, lalo na at patuloy pa rin nilang sinisikap na umayon sa pagpapatupad ng distance learning ng pamahalaan,” pagbibigay-diin ni Elago.