SPECIAL SHARI’A BAR EXAMS IPINADEDEKLARANG CIVIL SERVICE EXAM
NAIS ni Anak Mindanao Partylist Rep. Amihilda Sangcopan na ideklara sa pamamagitan ng batas bilang Civil Service examiniation ang Special Shari’a Bar examinations.
Sa House Bill 4418, isinusulong ng kongresista na amyendahan ang Republic Act 1080 o ang ‘An Act declaring the Bar and Board Examinations as Civil Service Examinations’.
Sinabi ni Sangcopan na dapat na masaklaw rin ng batas ang special Shari’a Bar examinations dahil katulad ng regular courts, ang Shari’a courts at mga tauhan nito ay nasa ialim ng administrative supervision ng Korte Suprema.
Ang mga aplikante para sa Shari’a Bar examinations ay kinakailangan ding nakatapos sa Philippine Shari’a Institute o dalawang taong pag-aaral ng Islamic Jurisprudence na iniaalok ng ibang Law Schools.
“Applicants to the civil service eligibility are required at least two years in college for sub-professional level or eligibility,” diin pa ni Sangcopan sa kanyang explanatory note.
Sa Filipinas, ayon kay Sangcopan, dumarami ang Muslim Filipinos na nagiging hamon ngayon sa implementasyon ng judicial system.
“In a recent study, it says the lack of full-time Shari’a District judges may affect the level of perfromance of Shari’a District Courts,” dagdag pa ng kongresista.
Dahil dito, mahalaga aniyang maituring na ring eligibility sa Civil Service ang mga pasado sa Special Shari’a Examination para mapunan ang mga pangangailangang tauhan sa Shari’a courts.