Nation

SPECIAL EMPLOYMENT PROGRAM PARA SA MGA ESTUDYANTE SUPORTADO SA 2021 BUDGET

/ 19 December 2020

KINUMPIRMA NI Senate Finance Committee Chairman Juan Edgardo ‘Sonny’ Angara na suportado sa 2021 national budget ang inihaing programa ng Department of Labor and Employment na naglalayong mabigyan ng panandaliang trabaho ang mga estudyante.

Ayon kay Angara, kasama sa inaprubahan nilang General Appropriations Act para sa 2021 ang pondo para sa Special Program for the Employment of Students.

Ito ay youth employment-bridging program ng DOLE na naglalayong mabigyan ng temporary employment ang mga mahihirap ngunit deserving na mga estudyante, out of school youth at dependents ng mga nawalan ng trabaho.

Ang programa ay magbibigay ng trabaho sa mga estudyante tuwing panahon ng summer o Christmas vacation o sa anumang panahon na kinakailangan ng ayuda ng pamilya para sa edukasyon ng mga bata.

Kabilang sa mga maaaring makinabang sa programa ang mga estudyante o out of school youth na nasa edad 15 hanggang 30 anyos; may magulang na ang sahod ay hindi aabot sa regional poverty threshold; mga estudyanteng may passing general weighted average at mga out of school youth na may sertipikasyon mula sa local Social Welfare and Development Office.

Bukod dito, suportado rin sa 2021 national budget ang iba pang programa ng DOLE tulad ng child labor elimination program, national skills registry system, Integrated Livelihood Program at job search assistance programs.

Sinabi pa ni Angara na dinagdagan din nila ang pondo para sa tulong sa mga nawalan ng trabaho dahil sa Covid19 pandemic.

“Marami pa rin sa ating mga kababayan ang nahihirapan dahil nawalan sila ng trabaho na dulot ng pandemya. Kaya dinagdagan namin ang pondo ng DOLE para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged or Displaced Workers Program pati na rin sa Government Internship Program,” pahayag ni Angara.

“We are optimistic that the economy will bounce back in 2021 as business operations and consumption start to normalize, especially with the Covid19 vaccine on its way to mass distribution. But before more jobs become available again, the DOLE will be there to help the affected workers with its various programs that will be funded in the 2021 GAA,” dagdag pa ng senador.