SPECIAL EDUCATION FUND NG LGUs GAMITIN SA ONLINE LEARNING EQUIPMENT — SOLON
HINIMOK ni AKO Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin Jr. ang mayayamang lokal na pamahalaan na gamitin ang kanilang Special Education Fund sa pagbili ng mga equipment para sa online learning.
“The more financially-able LGUs can opt to use their SEF to lease or purchase desktop computers, laptops, pocket wifi, and broadband subscriptions. Perhaps, they could even acquire Broadband Global Area Network and Very Small Aperture Terminal equipment to significantly improve the internet access of their students and teachers,” pahayag ni Garbin.
Ipinaliwanag ni Garbin na ang SEF ay dapat na eksklusibong magamit sa edukasyon kaya may pondong maaaring i-realign sa pangangailangan ngayon ng mga estudyante, partikular sa mga bagong moda na ipinatutupad ng Department of Education.
Ang ibang lokal na pamahalaan naman ay hinimok ni Garbin na gamitin ang SEF sa pag-iimprenta ng mga learning module upang hindi na mamroblema ang mga titser at pamunuan ng mga paaralan kung saan kukuha ng pondo.
Idinagdag ng kongresista na higit kailanman, ngayon kailangang ilabas ang SEF sa gitna na rin ng panawagan ng mga guro para sa donasyon sa kanilang supplies at iba pang kailangan para sa learning modules.
“This need is especially acute in smaller schools with fewer students because their Maintenance and Other Operating Expenses budget per school is barely enough to pay for basic needs like electricity, water, sanitation, internet, and phone bills,” giit pa ni Garbin.
Kasabay nito, sinabi ni Garbin na hindi rin dapat magalaw ang pondo para sa pagpapatayo ng mga bagong silid-aralan, gusali at pagkukumpuni ng mga eskuwelahan upang matiyak ang kahandaan sakaling magbalik na sa kani-kanilang campus ang mga estudyante.
Hinimok din ng mambabatas ang DepEd na sa halip na magpatayo ng mga school clinic ay mag-hire ng mga doktor, nars, guidance counselor, psychologist at psychiatrist.
“These healing professionals can do much more than any building or office structure can. We need these healing professionals to make sure our students and teachers are healthy while they study at home and when they eventually return to their classrooms when the Covid19 dangers have abated,” dagdag pa ng solon.