Nation

SPECIAL EDUCATION CENTERS PARA SA MGA BATANG BULAG, PIPI AT BINGI 

/ 28 January 2021

ISINUSULONG ni Camarines Sur 2nd District Rep. Luis Raymund Villafuerte ang pagtatayo ng Municipal Special Education Centers para sa mga batang bulag, pipi at bingi.

Sa House Bill 8471, sinabi ni Villafuerte na dapat kilalanin ng estado na ang mga batang bulag, pipi at bingi ay may iba pang pangangailangan sa edukasyon na dapat bigyang atensiyon kumpara sa physically able students

“There is a glaring inadequacy of programs and lack of access to special education brought about by the limited number of special schools and SPED center in the country,” pahayag ni Villafuerte sa kanyang explanatory note.

Iginiit ng kongresista na layon ng kanyang panukala na bigyang-diin ang mandato sa Konstitusyon kaugnay sa promosyon ng dekalidad na edukasyon para sa lahat.

Alinsunod sa panukala, tutulong ang Department of Education sa mga itatayong Municipal Special Education Centers sa pamamagitan ng pagbibigay ng special quality education at iba pang serbisyo kasama na ang vocational at transitional service sa mga deaf-mute at blind children.

Bibigyang awtoridad din ang Secretary ng DepEd na magbigay ng grants o pumasok sa cooperative arrangements para sa pagtatatag ng Municipal Special Education Centers.

Upang matiyak din ang epektibong pagtuturo ng mga guro, isasalang sa special education courses ang mga ito, partikular sa mga subject sa special education, adaptive physical education, special education supervision and administration at special education research.