Nation

SOTTO NANINDIGAN SA LIMITED F2F CLASSES

/ 14 March 2021

SA KABILA ng pagtaas ng kaso ng Covid19, partikular sa Metro Manila, nanindigan si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III sa isinulong nilang resolusyon na nananawagan ng pagsasagawa ng pilot testing ng face-to-face classes.

Ipinaliwanag ni Sotto na malinaw na nakasaad sa kanilang resolution na isasagawa ang face-to-face classes sa mga lugar lamang na wala o may mababang kaso ng Covid19.

“Ang nakalagay doon in areas that are Covid- free. Hindi sa kabuuan kundi sa mga lugar na wala. ‘Yun ang punto run,” pahayag ni Sotto.

Muling binigyang-diin ni Sotto na hirap na ang mga estudyante sa kasalukuyang sistema, lalo na sa mga lugar na mahirap ang internet connection at walang magamit na gadgets.

“Kasi hirap na hirap na sa eskuwelahan. Nakita mo naman ang nangyayari. Modules, sino sumasagot, kapitbahay? May natutunan ba ang mga bata? Lalo na sa mga hindi available ang tablet o walang internet, paano?” paliwanag ni Sotto.

“At least mga walang problema sa Covid hayaang mag-face-to-face classes,” dagdag pa ng senador.

Sinabi pa ni Sotto na nakasaad din sa inaprubahan nilang resolution na ang mga local school board na ang magdedeklara kung anong mga paaralan ang maaaring magsagawa ng face-to-face classes.

Una nang inaprubahan ng Senado ang Senate Resolutions 663 at 669 na inihain nina Sotto, Senators Sherwin Gatchalian,  Nancy Binay, Kiko Pangilinan, Grace Poe, Pia Cayetano, Joel Villanueva, at Sonny Angara para sa panawagang magsagawa na ng pilot testing ng face-to-face classes.