Nation

‘SONASANA’ NG MGA MAMBABATAS SA KONGRESO

/ 27 July 2020

SONASANA

SA GITNA ng malaking hamon na kinakaharap ng edukasyon dahil sa Covid19 pandemic, nais ng ilang mambabatas na marinig sa State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte ang malinaw na mga programa para sa pagpapatuloy ng pag-aaral ng mga estudyante.

Sa ikinakasang distance o blended learning sa Academic Year 2020-2021, halos nagkakaisa ang mga mambabatas sa kanilang pag-asa na maririnig sa Pangulo ang malinaw na direktiba para sa mga sistemang ipatutupad sa ‘new normal’.

Sinabi ni Alliance for Concerned Teachers party-list Rep. France Castro na dapat magkaroon ng malinaw na direktiba ang Punong Ehekutibo para sa pagpapalakas ng internet signals sa lahat ng lugar sa bansa; at pagdaragdag ng ayuda sa mga guro katulad ng pagbibigay ng internet allowance, gayundin ng gadgets.

Ayon naman kay Senador Sonny Angara, aabangan niya sa Pangulo ang mga new normal o next normal terms para sa pag-aaral ng mahigit 20 milyong kabataan.

Binigyang-diin pa ni Angara na matapos na bigyan ng ‘go signal’ ni Pangulong Duterte ang limited face-to-face classes, kailangang maging malinaw ang direktiba para sa pag-iingat at pag-aralan ang karanasan ng ibang bansa na nagkaroon ng 2nd wave ng Covid19 cases matapos na buksan ang mga paaralan.

Samantala, kung paiiralin ang distance o hybrid learning, iginiit nina Angara at Kabataan party-list Rep. Sarah Jane Elago na dapat tiyakin ng Pangulo na lahat ng estudyante ay may access sa digital tools na kailangan at may maaasahang internet access.

ONE SIZE FITS ALL” ‘DI UUBRA

Naniniwala naman sina Senador Leila de Lima at Senador Imee Marcos na hindi uubra sa pagpapatupad ng distance learning ang kasabihang “one size fits all”.

Sa SONA ng Pangulo, nais ni De Lima na ilahad ng gobyerno ang mga plano nito na magbibigay ng sapat na konsiderasyon at pagtatangi sa mga kapinsalaan na kinaka-harap ng mga kabataan mula sa mahihirap na pamilya.

“Hindi lamang dahil sa mga obvious nilang kakulangan sa pera at kagamitan: computer, internet connection, printer, school supplies, kuryente, atbp; dahil na rin sa karaniwan, walang oras or kakayahan ang mga magulang nila para punan ang role ng teacher or homeschooler,” paliwanag ni De Lima.

Umaasa ang mambabatas na maririnig niya sa Pangulo ang pagtiyak na lahat ng estudyante ay may pantay na access sa dekalidad na edukasyon at walang maiiwanan sa gitna ng pandemya.

Iginiit naman ni Marcos na dapat na ring maglabas ng direktiba para sa pagdedesisyon ng bawat local community at school board dahil kailangan aniyang maging tailor fit ang bawat solusyon sa bawat lugar sa bansa para sa edukasyon.

KALIGTASAN, TULONG SA MGA APEKTADO NG PANDEMYA

Umaasa rin ang ilang mambabatas na magiging sentro ng SONA ng Pangulo ang pag-tiyak sa kaligtasan ng mga guro at estudyante sa nalalapit na pagbabalik ng klase.

Ayon kay Senador Joel Villanueva, umaasa siyang babalangkasin ng Pangulo ang mga gagawin ng gobyerno upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral ngayong pasukan, lalo na sa mga papayagang buksan ang mga eskwelahan.

“Nais din po nating marinig ang tulong na ipaaabot sa iba’t ibang kasapi ng sektor ng edukasyon tulad ng private schools na tinatayang mawawalan ng enrollees bunsod ng hagupit ng pandemya,” pahayag ni Villanueva.

“Sa inaasahang pagbagsak ng enrollment, kasunod po rin nito ang kawalan ng trabaho sa mga guro at non-teaching personnel. Dapat pong handa ang ating gobyerno na tulungan ang mga mawawalan ng hanapbuhay,” dagdag pa nito.

Sa panig naman ni Senador Bong Go, tiniyak niya na bibigyang-pansin sa SONA ang mga pangangailangan ng ordinaryong mamamayan at siguraduhing hindi titigil ang serbisyo, kasama na ang mga plano kung paano makapagpapatuloy ang pag-aaral ng mga bata.

Umaasa rin si Alliance for Concerned Teachers party-list Rep. France Castro na babanggitin ng Punong Ehekutibo sa kanyang SONA ang mga plano para sa health measures at safety ng mga guro, iba pang school personnel at mga estudyante, partikular ang pagkakaroon ng comprehensive health screening sa gitna na rin ng patuloy na pagtaas ng kaso ng Covid19.

IBA PANG USAPIN SA EDUKASYON

Bukod sa pagpapalakas ng internet connection sa bawat sulok ng bansa para mag-tagumpay ang distance learning, nais ni Senate Majority Leader Migz Zubiri na talakayin din ni Pangulong Duterte ang kahalagahan ng Good Moral and Right Conduct (GMRC) sa kabataan matapos na ring lagdaan ang batas para sa pagbabalik ng pag-tuturo nito.

Ayon kay Zubiri, malaking bagay ang pagtuturo ng GMRC at Values Education, partikular ngayong panahon na mas maraming oras ang ginugugol ng kabataan sa online world.

“Schooling is a big concern for students and parents across the country right now, so I hope the President addresses this. The number one concern right now is, how do we recover? How do we get things going again? That is what everyone will want to hear from the President in his SONA,” pahayag pa ni Zubiri.

Aminado naman si Castro na kapos pa sa paghahanda ang Department of Education kaya nananawagan siya na ideklara na lamang ng Pangulo sa kanyang SONA ang pagpapaliban pa sa pagbubukas ng klase.

Para kay Castro, napapanahon na ring ipag-utos ni Pangulong Duterte ang pagrepaso sa umiiral na K to 12 program upang mas matutukan ang dekalidad na edukasyon sa bansa.