SOME 120,000 PRIVATE SCHOOL LEARNERS SA CALABARZON LUMIPAT SA PUBLIC SCHOOLS
MAY 120,000 na mag-aaral mula sa mga pribadong paaralan sa CALABARZON ang lumipat sa mga pampublikong eskwelahan batay sa isinagawang pagpapatala sa buong rehiyon, ayon kay Department of Education Regional Director Wilfredo Cabral.
Isa sa mga nakikitang dahilan ang pagpapahayag ng may 67 sa kabuuang 3,000 pribadong paaralan ng hindi muna pagbubukas ng klase sa taong ito, saad ni Cabral.
Sinabi pa ng regional director na tumaas ng 1.55% ang enrolment rate simula Hulyo 15 hanggang Agosto 15 at lalo pa itong tumaas noong Agosto 16 hanggang 31 kung saan ay naging 1.96% ang rate nito.
Sinabi ni Cabral na hindi naging madali ang kanilang pagharap sa hamon ng Covid19 pero ginagawa umano nila ang lahat para masiguro ang pagkatuto ng mga bata sa gitna ng pandemyang ito.
“Lahat tayo ay nag-iisip kung paano ba tayo makakabalik sa normal o baka dapat isipin natin na ito na yung normal. Sa atin pong mga estudyente, maaaring mayroon kayong nakaligtaan o meron kayong mga nakasanayan na hinahanap-hanap ninyo ngayon pero dahil kasama ninyo ang pamilya, inyong mga magulang, sila muna mga barkada ninyo ngayon at ating pahalagahan ang pagkakataon na tayo ay magkakasama,” ani Cabral.
“Sa ating mga guro, sumasaludo ako sainyo at nagpapasalamat dahil sa kabila ng pandemya ay nandiyan kayo, handa para tumulong upang ipagpatuloy ang pag-aaral ng ating mga estudyante. Bago po magtapos ang September ay ating gugunitain at ipagdiriwang ang ating Teachers’ Day at ito po itatapat sa October 5. Ngunit bago po iyan ay magkakaroon na po tayo ng pagdiriwang upang kilalanin ang kabayanihan ng mga guro para sa mga estudyante ngayong taon panuruan 2020-2021,” dagdag pa ng opisyal.
Ang CALABARZON ay binubuo ng mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon.