SOLONS SA CHED, DEPED: “PASS OR DROP” SA PANAHON NG PANDEMYA
HINDI na idadaan ng House Committee on Basic Education and Culture sa panukalang batas ang kanilang paggiit sa Department of Education para sa academic ease sa panahon ng Covid19 pandemic.
Sa virtual hearing ng komite na pinamumunuan ni Pasig City Rep. Roman Romulo, nagkasundo ang mga kongresista na sa halip na isulong ang House Bill 7961 o ang proposed Covid19 Scholastic Leniency Act, maglalabas na lamang sila ng House Resolution na naglalaman ng Sense of the Congress na nananawagan para sa academic ease.
Aamyendahan din ng komite ang House Resolution 1383 na nanawagan sa DepEd at sa Commission on Higher Education na magpatupad ng pass or drop grading system sa panahon ng pandemya.
Naniniwala si Romulo na hindi na kailangan ng batas para sa academic ease lalo na’t pansamantala lamang ang sitwasyon.
Iginiit pa ng kongresista na hindi na rin nila dapat panghimasukan ang grading system at dapat na itong ipaubaya sa mga paaralan bilang pagkilala sa academic freedom.
Sinabi naman ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na mahihirapan din ang mga estudyante na sundin ang probisyon sa ipinapanukalang batas na nagtatakda ng mga requirement para sa kanilang passing grade.
Kabilang sa requirements sa panukala ang pagdalo sa mga session na itinakda ng guro o paaralan, pagsusumite ng required papers, projects at iba pang academic requirements; nakasali sa mga quiz, recitation at exam at nakatugon sa minimum standards para sa personal behavior.
Iginiid nina Castro at Romulo na dahil na rin sa problema sa internet connection, hindi makatitiyak na lahat ng estudyante ay makadadalo sa online sessions, recitations o quizzes.
Sa huli, nagkasundo ang komite na maglabas ng resolusyon na nananawagan sa academic leniency subalit hindi naman isasakripisyo ang kalidad ng edukasyon.