Nation

SOLON SA LGUs: SUPORTA SA EDUKASYON ITODO

/ 11 April 2022

NANAWAGAN si Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano sa mga lokal na pamahalaan na itodo ang suporta sa edukasyon upang iangat ang antas ng pamumuhay.

Sinabi ni Cayetano na mahalagang sangkap sa pagbuo ng maayos at matatag na henerasyon ang edukasyon sa kabataan.

Ayon kay Cayetano, ang pagpili ng karera ay mahalaga para sa pagkakaroon ng maayos na pamumuhay lalo ngayong panahong marami ang nakararanas ng psychological at financial distress.

Pinayuhan naman ni Cayetano ang mga estudyante na hanapin ang tunay nilang layunin sa mundo dahil ito ang magbibigay ng kasiyahan sa isang tao.

“Don’t ever think that material wealth is the measure of success. I do believe when you find God’s purpose for you, you will find a job that will give you both enough income to provide for your family and also lasting happiness,” pahayag ni Cayetano.

Idinagdag ng kongresista na ang pagkakaroon ng dekalidad na edukasyon ay mahalaga upang mahinto ang kahirapan kaya dapat tulungan ng LGU ang mga magulang na tugunan ang mga hamon na kinakaharap ng mga estudyante.

Ipinagmalaki ng mambabatas na sa Taguig City, libre ang matrikula mula pre-school hanggang kolehiyo bukod pa sa gamit sa pag-aaral na ipinagkakaloob ng gobyerno.

Ang mga magagaling na estudyante ay binibigyan pa ng dagdag na insentibo.

Ayon kay Cayetano, dapat ding makahanap ng balanse ang mga estudyante sa pag-aaral at pakikisalamuha sa iba.

“Kung aral ka nang aral, wala ka namang barkada, wala kang people skill. Puwedeng CEO ‘yan sa pinakamalaking kompanya pero ang sama naman ng ugali, hindi pa rin successful ‘yan,” dagdag pa ng solon.

Si Cayetano ang may-akda ng GMRC and Values Education Act na naipasa noong Hulyo 2019 upang maisama ang Good Manners and Right Conduct at Values Education subject sa K-to-12 basic education curriculum.