SOLON SA DOH: KAILAN MABABAKUNAHAN ANG MGA ESTUDYANTE?
SA GITNA ng posibilidad ng face-to-face classes sa susunod na taon, iginiit ni ACT-CIS Partylist Rep. Jocelyn Tulfo na isama sa priority list ng mga unang bibigyan ng bakuna ang mga guro at estudyante.
Sinabi ni Tulfo na posibleng hindi na kayanin pa ng mga estudyante at guro kung distance/ modular learning pa rin ang ipatutupad sa susunod na school year 2021-2022.
Ipinunto ng kongresista na bukod sa nahihirapan ang mga estudyante at guro sa modular learning, nasasakripisyo rin ang kalidad ng edukasyon kung hindi pa magkakaroon ng face-to-face classes.
Nais malaman ni Tulfo kung kailan kakayanin ng DOH na mabigyan ng bakuna laban sa Covid19 ang may 30 milyong estudyante mula sa Kinder hanggang College.
Nabatid na hindi kabilang ang mga estudyante sa priority list ng Inter-Agency Task Force na mabigyan ng bakuna laban sa Covid19.
“Given the current DOH priority list, it does not look like face-to-face classes will resume in School Year 2021-2022. I believe the Commission on Higher Education and DepEd must find ways to implement a Covid19 vaccination program that runs parallel to but coordinated with the DOH,” dagdag ni Tulfo.
“At the very least, the college campuses should start reopening in the second half of 2021, while senior high school classes could resume in campuses under strict quarantine measures in late 2021,” diin pa ng kongresista.