SOLON SA DEPED: ‘WAG PURO “YES, SIR” KAY PRRD
HINAMON ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang Department of Education na magkaroon ng sariling paninindigan at huwag puro “Yes, sir” kay Pangulong Rodrigo Duterte.
May kinalaman ito sa pagsusulong ng grupo sa pagbabalik ng face-to-face classes kahit sa ilang lugar sa bansa sa gitna ng pangamba na patuloy na naisasakripisyo ang kalidad ng edukasyon.
“September 13 ang pagbubukas ng eskwelahan pero wala pang nakikitang programa ang mga estudyante at magulang na mayroon bang ligtas na balik-eskwela,” pahayag ni Castro.
Ipinaalala ng kongresista sa DepEd na ang mahigit isang taong pagsasara ng mga paaralan ay malaki ang epekto sa mental at physical aspect sa buhay ng mga estudyante at mga guro, lalo na sa pagkatuto ng mga estudyante.
“Kaya ang hamon natin sa Department of Education, huwag kayong ‘Yes, sir’ kay President Duterte, i-justify ninyo ‘yung pangangailangan na magkaroon na ng face-to-face classes kahit doon sa mga low risk areas para naman matugunan ang mga pangangailangan ng ating mga estudyante at mga teachers natin,” diin ni Castro.
“Tigilan na itong ‘Yes, sir’ kay President Duterte at ituloy natin, pangatawanan natin ang mga sinasabi ninyong puwede naman ang pilot testing ng face-to-face classes sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas,” dagdag pa ng mambabatas.