SOLON SA DEPED: PLANO SA MULING PAGBUBUKAS NG MGA PAARALAN ILATAG NA
HINIKAYAT ni Kabataan Partylist Rep. Sarah Jane Elago ang gobyerno na ngayon pa lamang ay ilatag na ang mga plano para sa muling pagbubukas ng mga paaralan.
Sinabi ni Elago na dapat ngayon pa lamang ay naghahanda na ang Department of Education ng mga patakaran at pondo upang matiyak ang maayos na pasilidad para sa ligtas na pagbabalik-eskwela ng mga estudyante.
Iginiit ng mambabatas na dapat magkaroon ng progressive reopening ng mga paaralan na isinasaalang-alang pa rin ang public health sa gitna ng patuloy na banta ng Covid19 pandemic.
“Dapat mailatag na ang timeline ang reopening of schools at planuhin kung paano ang unti-unting paghahanda sa pagbubukas ng mga school at payagan ang face-to-face classes,” pahayag ni Elago.
Inirekomenda rin ng kongresista ang pagsasagawa ng diyalogo sa mga stakeholder upang matukoy ang mga pangangailangan pa ng mga guro at estudyante.
Binigyang-diin ng mambabatas na dapat kasama sa tatalakayin sa diyalogo ang assessment sa ipinatutupad na distance learning, gayundin ang patuloy na ayuda sa mga estudyante, guro at non-teaching personnel ng mga paaralan.
Muli ring iginit ni Elago ang pagpapatupad ng academic ease, kasama na ang pagpapaluwag sa pagsusumite ng mga kinakailangang requirement sa paaralan.
Iginiit pa ng kinatawan ng Kabataan partylist na dapat mas matutukan ang pagkatuto ng mga estudyante sa halip na ang numeric grades ng mga ito.